NASAWI ang isang lalaki, kanyang asawa, at kanilang anak nang lamunin ng apoy ang tinitirhan nilang gusali sa Olongapo City, Zambales, Miyerkules ng umaga.
Nasawi sina Ricardo Panganiban, 27; asawa niyang si Marian, 25; at anak nilang si Aira, 2, ayon sa ulat ng Olongapo City Fire Station.
Nagsimula ang apoy dakong alas-5, sa gusaling nasa bahagi ng Rizal ave., sakop ng Brgy. West Bajac-bajac.
Ang 4-palapag na gusali, pag-aari ng isang Nida Cureg, ay may mga tindahan ng car parts and accessories sa ibaba at mga paupahang silid sa itaas.
Hinihinalang sa unang palapag nag-umpisa ang apoy.
Agad rumesponde ang mga bumbero lulan ng anim na firetruck matapos maiulat sa kanila ang insidente alas-5:52.
Naapula ng mga bumbero ang apoy alas-8.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog.