San Beda, Letran sisimulan ang NCAA Finals matchup

Mga Laro Ngayong Martes (Nobyembre 12)
(Mall of Asia Arena)
1 p.m. San Beda vs Lyceum (Game 1, best-of-3  juniors finals)
4 p.m. San Beda vs Letran (Game 1, best-of-3 seniors finals)

MATINDING bakbakan ang inaasahan sa pagitan ng San Beda University Red Lions at Letran College Knights sa pagbubukas ng kanilang NCAA Season 95 men’s basketball best-of-three Finals series ngayong Martes, Nobyembre 12, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinapaboran ang Red Lions sa kanilang alas-4 ng hapon na series opener kontra Knights matapos na dominahin ang kanilang dalawang laro ngayong season.

Subalit ibang usapan na ang labanan sa Finals.

“Kapag San Beda-Letran, ibang usapan na iyan,” sabi ni Knights team captain Jerrick Balanza, na rookie noong manaig ang kanyang koponan sa Finals apat na taon na ang nakakaraan sa ilalim ni head coach Aldin Ayo. “Expect na maganda ang laban, Game 1 pa lang.”

Kaya kahit na dehado ang Knights determinado pa rin ito na maitaas ang kanilang ika-18 na championship banner.

Sasandigan ni Letran coach Bonnie Tan ang balanced scoring ng kanyang koponan na pangungunahan nina Balanza, Bonbon Batiller, Fran Yu at Larry Muyang. Ito rin ang naging susi sa kanilang pagwawagi sa stepladder semifinals kontra San Sebastian College Stags at Lyceum of the Philippines University Pirates.

Magmumula naman ang Red Lions buhat sa mahabang pahinga matapos makumpleto ang pagwalis ng kanilang 18 laro sa elimination round para makadiretso sa Finals.

Aasahan naman ni San Beda coach Boyet Fernandez sina Season 95 Most Valuable Player Calvin Oftana, James Canlas, Evan Nelle at Cameroonian slotman Donald Tankoua para mauwi ang league-best na ika-23 korona ng Red Lions.

Read more...