‘May mali na sa pagpapatakbo ng buhay ni Morissette’


KOMENTO ng marami ay inuntog-untog daw sana uli ni Morissette Amon ang kanyang ulo sa pader para magising siya sa katotohanan na sayang na sayang ang kanyang career.

Negang-nega ang kanyang pangalan ngayon pagkatapos niyang mag-walkout sa concert na ipinrodyus ng kaibigan-kasamang Jobert Sucaldito sa Music Museum.

Walang bumili sa kanyang dahilan na nasaktan daw siya sa interbyu sa kanya ni Mario Dumaual, ‘yun daw ang dahilan kaya siya naging emosyonal, kaya sa halip na kumanta dahil isang kompromiso niya ‘yun ay nilayasan niya ang concert.

Mukhang may mali na sa kasalukuyang takbo ng buhay at career ni Morissette. Pagkatapos magreklamo ang kanyang ama dahil sa pakikipagrelasyon niya ay heto na ang bagong problemang kailangang harapin ng magaling pa naman sanang singer.

Ang kompromiso ay kompromiso. May mga singers na kahit dumudugo ang puso dahil sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay ay pumapagitna pa rin sa entablado at ibinibigay nang buhos na buhos ang kanilang talento.

May isang female rock singer na namatayan ng ina, nagdadalamhati ang kanyang pamilya, pero nang mag-perform ito ay walang naramdamang anumang bitbit na problema nito ang audience.

Si Morissette Amon, hindi lang nagustuhan ang tema ng panayam sa kanya ay nag-walkout na agad, ni hindi man lang niya naisip ang matinding kahihiyang aabutin ng kanyang producer sa hindi niya pagkanta?

Kailangan nang manalamin ng singer na ito para kausapin ang kanyang sarili. Lumolobo na nga ba ang kanyang ulo dahil sa mga papuring tinatanggap niya?

May malalim bang problemang nambabagabag sa kanya ngayon? Pero kung meron man, dapat ay hindi niya idinadamay sa kanyang pinagdadaanan ang mga tinatanggap niyang trabaho, dapat niyang iwanan ang kanyang problema sa isang sulok ng venue bago siya kumanta at damputin na lang niya uli pagkatapos niyang mag-perform.

Yun ang pakahulugan ng salitang propesyonalismo na kailangang ipakilala ngayon kay Morissette Amon.

Read more...