Apayao tinamaan ng landslides: Board member, pulis patay; 1 pa nawawala
NASAWI ang isang miyembro ng Provincial Board ng Apayao at isang pulis nang tamaan ng landslide ang tinuluyan nilang bahay, sa bayan ng Kabugao nitong Huwebes, ayon sa mga otoridad.
Nasawi sina Board Member Tolentino Mangalao at Cpl. Rommel Gumidam, ayon sa impormasyon mula sa Office of Civil Defense-Cordillera.
Naganap ang insidente sa Brgy. Dibagat, sa gitna ng malakas na ulan nitong Thursday.
“Nag-stay muna sila doon dahil sa sobrang lakas ng ulan. Natabunan yung bahay,” sabi sa Bandera ng isang staff ng OCD, gamit bilang basehan ang inisyal na ulat sa kanilang tanggapan.
Ang naturang bahay ay pag-aari ng isang Padu Pugyao. Si Gumidam ay nakatalaga sa bayan ng Calanasan, ayon naman sa ulat ng Corillera regional police.
“Accordingly, while they were sleeping, a landslide occurred and struck the house,” sabi sa ulat.
Narekober ng mga residente ang mga labi nina Mangalao at Gumidam, at dinala ito sa isa pang bahay.
Inulat naman ng pulisya sa Kabugao na isa pang tao ang nawawala sa munisipalidad.
May naitalang 75 pamilya o 125 kataong nagsilikas dahil sa mga pagbaha at mga landslide, ayon pulisya.
Nagsimula ang mga pagbaha nang umapaw ang Apayao River nitong Huwebes ng hapon dahil sa malakas na ulan, at sinundan ito ng mga landslide.
Tinamaan din ng landslide ang Solsona road, na di pa madaanan ng mga motorista. Patuloy naman ang clearing operation sa kalsadang nag-uugnay sa Apayao at lalawigan ng Cagayan.
Pinaniniwalaang dala ng bagyong “Quiel” ang mga pag-ulan sa Apayao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.