INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Yolanda Commemoration Day sa Eastern Visayas.
Ngayong araw ang ika-anim na taong anibersaryo ng pagragasa ng bagyong Yolanda na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libo katao at pagkasira ng bilyon-bilyong ari-arian.
Sa botong 213-0 at walang abstention inaprubahan ang House bill 4960 na akda nina House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez at Tingog Rep. Yedda Romualdez.
Umapela ang mag-asawang Romualdez sa Senado na aprubahan ang panukala.
“Despite so much progress that has been achieved in building back our communities even better, we are still mourning for those who perished,” saad ng mag-asawa sa kanilang panukala.
Sa ilalim ng panukala, gagawing special non-working holiday ang Nobyembre 8 sa Eastern Visayas.
“This bill is intended to be a fitting tribute to the memory of all who died in the disaster and to salute the selflessness of all volunteers and organizations who took part and contributed in the recovery and rehabilitation efforts of the communities affected by the typhoon,” saad ng HB 4960.
Noong nakaraang Kongreso ay inaprubahan ng Kamara ang kaparehong panukala subalit hindi ito natapos ng Senado.