KAYANG makuha ng Pilipinas ang lahat ng gintong medalya na nakataya sa soft tennis competition ng 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa Maynila.
Ito ang paniniwala nina National soft tennis team coach Roel Licayan at ang mga players na sina Joseph Arcilla at Bien Zoleta-Manalac.
“We can do it. I know the players can do it,” sabi ni Licayan sa ika-47 edisyon “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila nitong Huwebes ng umaga.
“There are three events in the SEA Games – women’s singles, women’s doubles and men’s team — and we have very good chances of winning all three of them,” dagdag ni Licayan sa weekly public service program na suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
“If we can’t win all three golds, we will be very disappointed,” ani Licayan.
Sinabi din ni Licayan na ang nakamit na tagumpay ng mga Pinoy netters sa katatapos na Asian University Junior Soft Tennis Championships (AUSTC) na ginanap sa Colegio San Agustin indoor courts sa San Jose del Monte, Bulacan noong Setyembre ay magandang sukatan sa kahandaan ng koponan na mapanalunan ang mga ginto na nakataya sa 30th SEA Games.
Nagawang magwagi ng mga Pinoy sa AUSTC ng limang tansong medalya – tatlo mula kay Princess Catindig sa women’s division at dalawa mula kay Mark Alcoseba sa men’s singles at men’s team event.
Ang AUSTC, na sinalihan ng 450 manlalaro mula sa 13 bansa, ay nagsilbing test event para sa 30th SEA Games.
“‘Yung ibang tinalo natin dun, kasali rin sa SEA Games,” sabi pa ni Licayan.
Umaasa naman sina Arcilla at Zoleta-Manalac, na parehong nirepresenta ang Pilipinas sa lawn tennis, na malalagpasan nila ang pressure ng paglalaro sa harap ng inaasahang dadagsa na homecrowd sa Rizal Memorial Sports Complex.
“Actually, soft tennis is a lot harder to play than lawn tennis. Mas challenging,” sabi ni Arcilla, na mas nakakababatang kapatid ng veteran tennis player na si Johnny Arcilla.
Determinado naman si Zoleta na mapanalunan ang ginto katuwang ang kanyang kapatid na Bambi Zoleta.
“We’ll do our best. God willing, baka maka-gold at silver pa tayo sa singles,” sabi ni Zoleta, na naging bronze medalist sa World Soft Tennis Championship noong 2015 at Asian Championship noong 2016.
“We’re confident about our chances,” dagdag pa ni Zoleta, na produkto ng Children’s Tennis Workshop.
Bilang host nation, hangad ng Pilipinas na malagpasan ang isang pilak at limang tanso na napanalunan nito sa soft tennis noong 2011 SEA Games sa Indonesia.