Matuto tayo sa Singapore

CHANGI, SINGAPORE — Kasalukuyan akong umiikot dito sa Singapore dahil sa coverage ko ng Subaru Palm Challenge.

Ang Singapore ay isa sa pinakamaliit ngunit pinakaprogresibong bansa sa buong mundo. Dito ang trapik ay parang sa Maynila din, at ang dami ng tao kung population to land area ang titingnan ay hindi malayo sa Metro Manila.

Subalit nakikita rito ang maayos na daloy ng trapiko, mahusay na public transportation at magaling na zoning system sa buong territory. Sa madaling salita, na-i-plano nang mahusay ang buong Singapore.

Hindi ko na hihilingin na maiplano nang ganito ang Kalakhang Maynila o anumang metropolis sa bansa na nakatayo na. Mahirap nang tibagin ang mga nakatayong gusali at imprastraktura para ayusin ang ating mga siyudad.

Pero sabi nga sa akin ni Glenn Tan, tagapamahala at tagapagmana ng napakalaking Tan Chong Industry na nakabase sa Singapore, mayroon kasing foresight ang mga pinuno ng Singapore.

Sa kanilang subway at train system na lamang, halos tatlong palapag ang lalim ng kanilang subway at ang third level ay hindi pa nagagamit. Bakit humukay ng tatlong palapag kung hindi naman magagamit pa? Dahil inaasahan nila na dadating ang araw na dadami ang tao at kakailanganin ang ikatlong level. Sa ngayon ay dalawang level na ang ginagamit nila.

Ikumpara natin sa MRT natin na noong ginawa ay para lamang sa 200,000 pasahero araw-araw sa kabuuan ng linya mula North Avenue hanggang Taft Avenue. Yung mga platform doon ay ginawa para lamang sa 200,000 libo katao. Walang foresight, walang plano kung paano na pag dumami ang gagamit.

Ngayon, nasa halos 700,000 na ang gumagamit ng MRT3 araw-araw sa rush hour at umaapaw na ang mga tao sa platforms at hagdanan. Nakakaawa ang mga sumasakay ng MRT3 dahil sa pagpila pa lang ay nauubos na ang kanilang oras.

Mabuti na lamang at nasimulan na ang rehabilitasyon nito at unti-unti ay nakukumpuni na ang mga luma at sirang bahagi nito.

Ang problema ay ang loading at staging area na hindi kaya ang dami ng sumasakay sa MRT3.

Paano pa natin aayusin ‘yung passenger platforms ng MRT eh sangkatutak na gusali na ang nakapaligid sa mga loading stations nito, mga gusali na ipinatayo ng mga politikong may mga negosyo?

Sabi sa akin ng mga kaibigan ko sa DOTr, gumagawa sila ng paraan para maging mas dignified ang paghintay ng tren sa MRT, pero dahil mali na ang basics, medyo mahirap na ayusin.

Tanging pag-asa ng mga commuters ay ang dalawang subway projects na sinimulan na at maaaring magserbisyo ng ilang milyong pasahero araw-araw sa Metro Manila.

Sana naman ay may foresight na din ang paggawa nito, ‘yung na-compute na ang forecasted growth ng gagamit sa susunod na 20 hanggang 40 taon mula ngayon para hindi na maulit ang eksena sa mga train stations ngayon.

At sana lahat ng ganitong public transport system sa buong bansa ay itayo ng may kaukulang legislated budget para sa maintenance para hindi taon taon namamalimos para mapanatili silang tumatakbo ng mahusay.

Dahil ang public transport ay hindi dapat revenue point kundi cost center para sa gobyerno dahil ito ay utility para sa public service o serbisyo bunga ng buwis na binabayad ng taumbayan.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...