Warning ni Willie sa publiko: Walang bayad ang pagpasok sa Wowowin, wag magpapaloko!

WILLIE REVILLAME

MULING nagbigay ng warning si Willie Revillame sa lahat ng mga nagpupunta sa studio ng Wowowin laban sa mga manloloko o scammers.

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng TV host-comedian, marami pa rin ang nabibiktima ng mga sindikatong gumagamit sa kanyang variety show na karamihan ay mula pa sa mga probinsya.

Ayon kay Willie dapat mag-ingat ang studio audience sa mga naniningil ng bayad sa kanila para makanood ng Wowowin at maging contestants sa iba’t ibang segments nito.

“Huwag ho kayo makikinig sa labas. Wala pong bayad ang manood dito. Walang bayad. ‘Wag kayo magpapaloko sa labas. Kung meron man kayong binibigyan ng pera, hindi po ‘yan pananagutan ng GMA at Wowowin.

“Dito ho, libre ang maglaro at libre ang manood. Basta magpa-book lang kayo. ‘Pag may humingi ng pera sa inyo sa labas o ano man, niloloko lang kayo,” pahayag pa ng TV host.

Bukod dito, pinaalalahanan din ni Willie na hindi totoo ang mga kumakalat na text message at mga naka-post sa social media na nagsasabing nanalo sila sa Wowowin.

“Saka ho ‘yung mga ina-announce sa Facebook, Instagram, lahat ng ‘yan, Twitter na nanalo kayo ng ganito. Hindi po totoo ‘yan. Wala.

“Lahat ng panalo dito mangyayari sa loob ng studio ng GMA at Wowowin. Marami pong salamat,” aniya pa.

Dagdag pa ni Willie, tatlo lang ang paraan para maging studio audience sa Wowowin: mag-email sa wowowingma@yahoo.com.ph o kaya ay tumawag sa (02) 710-35-27 tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes mula 2 p.m. to 5 p.m. at hanapin si Martin Tamba.

Read more...