Bus, van nagsalpukan: 9 patay, 4 sugatan

SIYAM katao ang nasawi at apat pa ang nasugatan nang magsalpukan ang isang pampasaherong bus at van sa Pamplona, Camarines Sur, Miyerkules ng gabi.

Dead on the spot ang tatlong lalaki’t limang babaeng pasahero ng van, pati ang kanilang driver, ayon sa inisyal na ulat ng Camarines Sur provincial police.

Naganap ang insidente sa Zone 4, Brgy. San Vicente, dakong alas-8.

Bumibiyahe ang bus (EVP-129) patungong Maynila nang makasalpukan ang van (EVU-222) na patungong Naga City, ayon sa ulat.

Itinakbo na ang mga sugatan sa pagamutan sa Naga.

Hinahanap pa ang kinaroroonan ng bus driver, na di natagpuan ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng insidente.

Naganap ang insidente isang linggo lang matapos ang pagsalpok ng isa pang pampasaherong bus sa dump truck sa bayan ng Lupi, doon din sa Camarines Sur, noong Oktubre 30.

Tatlo katao ang nasawi at walo pa ang nasugatan sa naunang insidente.

Read more...