Mayor Isko, Yul Servo itotodo ang tulong sa mga estudyante, single parent at senior sa 2020


NAGKAROON ng world premiere ang pelikulang “Food Lore” sa 32nd Tokyo International Film Festival sa Japan (TIFFJP).

Ang “Food Lore: Island of Dreams” na idinirek ni Erik Matti ay kabilang sa World Focus Powered by Aniplex na bahagi ng food anthology series ng HBO Asia.

Tampok dito sina Angeli Bayani, Yul Servo, Ina Feleo at Joey Marquez.

Sa presscon ni Cong. Yul Servo ng 3rd District ng Maynila, ay inalam namin kung mahilig siyang kumain at kung ano ang mga pagkaing puwede niyang kainin araw-araw.

“Ginisang ampalaya with itlog, nasasarapan ako, dati kasi ‘yan ang ayaw kong kainin, pero ngayon, ‘yun na ang pinakagusto ko, simple lang, masarap kahit walang kanin,” sagot niya sa amin.

Marunog din daw siyang magluto ng itlog, “Kasi madaling lutuin, pwedeng prito, puwedeng nilaga.”

Wala namang paboritong restaurant na kinakainan ang kongresista, “Maski ano basta kainan, okay. May allergy lang ako sa crab, kapag kumain ako ng crab, lumalaki ang mukha ko at nangangati ako, tapos nagla-lock ‘yung dito ko (lalamunan).

“High school palang ako allergic na ako sa crab. Dati sa shrimp meron din pero unti-unti nakakain ko na. ‘Yung crab talaga hindi, matapang. Ang hirap kainin, parang tsino-choke ka.

“Sa dessert, gusto ko leche flan, pero ngayong tumatanda na hindi na masyado kasi ‘yung sugar, di ba? Tikim-tikim pa rin konti at saka ‘yung buko salad.

“Dati malakas ako sa kanin, pero ngayon hindi na konti na lang. Pag malakas ako sa kanin, tumataba ako, pag konti rice, pumapayat ako,” sabi pa niya.

At dahil sa sobrang busy ni Cong. Yul ay wala na siyang panahong mag-workout kahit nasa bahay lang siya.

“Wala na, walking na lang, pag umiikot ako sa distrito, pawisan na ako. Nu’ng may panukat ako, mababa ang 10,000 steps. Ikot lang nang ikot. Sa distrito napupuntahan ko ang Sta. Cruz, Binondo, San Nicolas, Blumentritt, nadadaanan ko lahat,” lahad ng kongresista.

Samantala, simula nu’ng umupo si Yul bilang representative ng ikatlong distrito ng Maynila ay ang health pa rin ang problema ng siyudad.

“Iisa lang naman lagi ang problema, ‘yung health sa trabaho. ‘Yung kalinisan medyo okay na ngayon, dati ‘yung kalinisan number one problema sa distrito ko ‘yan, so far unti-unti nababago na ‘yung distrito namin kasi unang pag-upo ni Yorme (Isko Moreno), ‘yung distrito ko kaagad ang nalinis niya – Divisoria, Carriedo, Blumentritt. Nauna kaming linisin, pero siyempre nakalulungkot sa mga nagtitinda, nawalan sila ng hanapbuhay.

“Ang kagandahan naman, ‘yung Mayor ng Maynila, binabalikan niya naman. Katulad nu’ng mga nawalan ng bahay, mayroon naman siyang kapalit na needs,” kuwento ni Yul.

Naikuwento rin niya sa amin na naibalik na ang “nutribun” na ibinibigay sa mga elementary pupils sa ilang pampublikong eskuwelahan, “Hindi pa todo kasi ‘yung pondo ni Yorme kulang pa, so sa 2020, todo na, lahat mabibigyan na.

“Tapos ‘yung grade 12, di ba, may K-12, may allowance na P500 kada buwan. Tapos lahat ng college students ng UDM (Universidad de Manila) at PLM (Pamantasang Lungsod ng Maynila) may P1,000 sila kada buwan,” pahayag ni Cong. Yul.

“Maging ang may mga kapansanan, PWD, solo parent, senior citizen may allowance na P500 a month, kailangan botante sila sa Manila.

“Maraming programa si Yorme dito na mapopondohan na sa 2020 at ang kagandahan pa rito ‘yung matatanda na kaya pa magtrabaho, sa fastfood kinuha na rin sila.

“Actually, ang daming pagbabago, lalo na sa 2020 mas marami pang pagbabago,” kuwento pa sa amin ng aktor-politiko.

Read more...