DALAWANG bagyo ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Lumakas ang bagyong Quiel na nasa tropical storm category na kahapon at inaasahan na lalo pa itong lalakas pero maliit ang tyansa na mag-landfall sa bansa.
Ang bagyo at ang tail end ng cold front ay magdadala ng pag-ulan sa Babuyan Islands, Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Antique, bahagi ng Palawan kasama ang Cuyo Islands at Kalayaan Islands, Batanes, Apayao, Ilocos Norte, Aklan, Iloilo, Oriental Mindoro, at Cagayan, ayon sa PAGASA.
Ito ay may hangin na umaabot sa 75 kilometro bawat oras ang bilis at pagbugsong 90 kilometro bawat oras.
Ngayong ang bagyo ay nasa layong 465 kilometro sa kanluran-timog kanluran ng Subic, Zambales o 465 kilometro sa kanluran-hilagang kanluran ng Coron, Palawan.
Binabantayan din ng PAGASA ang bagyong may international name na Halong. Ito ay nasa layong 2,960 kilometro sa silangan ng hilagang Luzon at maliit umano ang tyansa na pumasok ito ng Philippine Area of Responsibility.
Umaabot sa 215 kilometro bawat oras ang bilis ng hangin nito.