UPANG mas hikayatin ang mga indibidwal na magtrabaho sa gobyerno, pinalawak ng Department of Labor and Employment ang saklaw ng Government Internship Program o GIP.
Sa Department Order No. 204-A series of 2019, pinahihintulutan ang mga indibidwal na may edad 31 pataas na mag-aplay sa nasabing programa. Para maging kwalipikado, kinakailangang wala pa itong karanasan sa pagtatrabaho; natanggal sa trabaho dahil sa pagsasara ng establisyamento; o nawalan ng trabaho dulot ng kalamidad.
Maaari na ring matanggap sa nasabing programa ang mga biktima ng armed conflict, rebel returnee, person with disability, at indigenous people.
Noon ang DOLE-GIP ay para lamang sa mga benepisaryong may edad 18 hanggang 30 taon.
Ang bagong kwalipikasyon ay karagdagan sa mga kinakailangan upang maging bahagi ng GIP na wala pang karanasan sa trabaho at kinakailangang nagtapos man lang ito ng high school/senior high school o ang katumbas nito sa ilalim ng Alternative Learning System, o nagtapos ng kursong technical-vocational.
Maaatasan ang benepisaryo ng GIP na tumulong sa DOLE at sa partner agency nito sa mga gawain na hindi masyadong teknikal, tulad ng pag-encode ng registrant sa PESO Employment Information System; at pag-profile ng batang-manggagawa, PWD, at senior citizen ng mga kinauukulang barangay.
Kabilang sa mga katuwang na ahensya ng DOLE sa nasabing programa ang executive, legislative at judiciary sa regional at national level, Public Employment Service Offices (PESOs), public hospital at public school o educational institutions, government financial institutions, government-owned and controlled corporations, at local government units.
Ang internship period ay may minimum na tatlong buwan hanggang anim na buwan at ang sahod ay katumbas ng kasalukuyang minimum na sahod sa rehiyon kung saan magtatrabaho ang benepisaryo.
Makakatanggap din ang intern ng insurance coverage, na hindi kakaltasin mula sa allowance ng benepisaryo, batay sa premium na pinagkasunduan ng DOLE at ng Government Service Insurance System. Maaari rin muling tanggapin ang benepisaryo ayon sa rekomendasyon ng partner agency.
Information and Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line?
Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected] or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.