Bea: Ngayon lang uli nagsisimula ang buhay ko…

BEA ALONZO

“PARANG ngayon lang uli nagsisimula ang buhay ko!”

Yan ang hugot ng Kapamilya actress na si Bea Alonzo matapos mag-celebrate ng kanyang 32nd birthday kamakailan kasama ang ilang kapamilya at malalapit na kaibigan.

Ayon sa ex-girlfriend ni Gerald Anderson, hinding-hindi niya makakalimutan ang nakaraan niyang kaarawan dahil nakasama nga niya ang mga taong tunay na nagmamahal sa kanya at hindi nang-iwan sa kanya sa kahit anong laban.

“I never planned on throwing a big party but I realized, marami pala akong kaibigan and it has been a while since I threw a party like this, so I thought, this would be the perfect time to do it since everything in my life seems to be changing,” ang caption ni Bea sa mga litrato na kuha sa kanyang “secret garden” themed-party.

Sa isang interview naman, sinabi ng dalaga na napakarami niyang natutunan sa mga pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay at ngayong single na uli siya, mas pagtutuunan muna niya ang sarili at ang mga taong nagmamahal sa kanya nang walang kapalit.

“Very happy (‘yung birthday ko) parang ngayon pa lang nagsisimula ang buhay ko ulit. At nalaman ko na marami pala akong kaibigan,” pahayag pa ni Bea.

Sa tanong kung ano ang kanyang birthday wish, tugon ng dalaga, “Sana mas marami pa akong ma-discover tungkol sa sarili ko.”

Mukhang naka-move on na nang bonggang-bongga si Bea mula sa kontrobersiyal na break-up nila ni Gerald. Ilang buwan na rin naman ang nakararaan matapos bumandera ang kanilang paghihiwalay na naging national issue rin noon.

Sa isang panayam, sinabi rin ni Bea na mas gugustuhin muna niyang mag-focus sa kanyang sarili at sa career kesa mag-entertain ng mga bagong manliligaw pero aniya, hindi naman daw siya na-trauma sa pag-ibig sa kabila ng mga nangyari.

Read more...