Alam ba ninyo bukod pa sa nakakahumaling na kalikasan at makasaysayang lugar, ang pagkain ay nakakahimok sa mga turista upang bumisita sila sa isang bansa?
Naniniwala ka ba ang pagkain ng isang bansa ay isang paraan upang maisalaysay ang kultura ng isang bayan at ito ay mabisang kasangkapan para sa maayos na pakikitungo sa ibang bansa o diplomasya?
Naniniwala ka ba na ang karanasan ng isang masarap na piging ay tumatatak sa puso at isipan ng mga nakisalo dito?
Ito ang mga mungkahi ni Andrew Masigan, kasalukuyang consultant ng Department of Tourism at pangulo ng Manila Advent Hospitality Group, na nagpapatakbo ng mga matagumpay na restaurant tulad ng XO46 Heritage Bistro,
The Visayan Room sa Makati at Isla Cafe sa Robinson’s Malate. Ang pangunahin niyang layunin ay ipagtanggol, buhayin at palaguin ang pagkaing Pilipino.
Para kay Andrew, nadarama niya na ang lutuing Pilipino ay nangungulelat kumpara sa pamamayagpag ng mga lutuin ng mga karatig na bansa tuland ng Thailand, Vietnam at Singapore; na tinatangkilik ngayon sa Estados Unidos at Europa.
Naniniwala si Andrew, bilang isang Pilipino, hindi niya maaaring ipagsawalangbahala ang nagaganap sa pandaigdigang kilusan sa pagkain.
Dahil para sa kanya, ang atin ay isang lutuin na may taglay na hindi kapani-paniwalang lalim at saklaw. Ang Pilipinas ay mahahalintulad sa isang kumpletong diksyunaryo ng mga lokal na pagkain ayon sa rehiyon.
Kung ang China ay mayroong Cantonese, Hainanese, Peking, Szechuan at Hunan dishes, tayo naman ay may ipagmamalaking pagkain ng Ilocano, Bicolano, Pampangueno, Caviteño, Ilonggo at Maranao.
Malinaw din ang impluwensya ng mga bansang España, Mexico, China, Arabia, Malaysia, Indonesia at Amerika sa ating mga pagkain at paraan ng pagluluto.
Ito ang tugon ni Sandee Siytangco-Masigan, ang maybahay ni Andrew at kumakatawan bilang Marketing, Research and Development head ng kanilang kumpanya.
Ayon kay Sandee, Ang Philippines on a Plate ay resulta ng may mahigit na isang taong pananaliksik at pagpapa-unlad. Sa programang ito, nais ipagtanggol ng mag-asawang Masigan ang mga kinagistang pagkain at pamanang lutuin ng mga Pilipino.
Bagamat mayroon na silang mga matagumapy na restaurant nais nilang makagawa ng higit pa para sa mga lokal na pagkain at lutuin.
Noong nakaraang 24 ng Hulyo 2013 ay inilunsad ang Philippines on a Plate. Isa itong kaaya-ayang paglalakbay sa pamamagitan ng pagkain o “food tour” na nakasentro sa mahigit na isang libong taong kasaysayan ng Pilipinas at mga impluwensya ng mga bansang nakipagkalakalan at sumakop sa ating bansa.
Nagsimula ang palatuntunan sa isang reception kung saan pinamahagi ang mga cocktails na gawa sa guava-dalandan-ginger rhum, guyabano-ginger tuba at cocnut-pineapple lambanog: at ang kasunod nito ay ang makasaysayang paglalakbay sa pamamagitan ng “degustacion dinner” na tinatampukan ng walong plato.
Ang batikang komedyante at TV host na si Gabe Mercado ang nagsilbing tour guide at emcee ng gabing iyon. Maaaninag sa mga nilutong pagkain ang pagkilala sa mga natatanging sangkap at paraan ng pagluluto na talaga namang may angking sarap at pagiging sopistikado ng ating mga ninuno at maaaring ipangtapat sa pagdaigdigang bulwagan ng pagkain at pagluluto.
Binasag nito ang mga mito na bumabalot kung ano talaga ang diwa ng lutuing Pilipino. Ito ang mga tampok na lutuin sa Philippines on a Plate:
1 Puga (Philippine Caviar) – Puga (Philippine Caviar). Bihod ang tawag ng mga Ilonggo dito. Ginisang itlog ng isda na may sariwang sibuyas na nilakip sa maliliit na tortilla shells. Sikat ito sa mga baybaying dagat ng Cavite at Kabisayaan. Maalat-alat ngunit walang lansa ng bagoong. Malinamnam na may lasa ng sariwang karagatan.
2 Inasal na Manok – Inasal na manok. Kilala ito sa Zamboanga bilang “sitti”. Sikat sa Indonesia, Malaysia at Singapore bilang “sate”. Dinalisay at nilinang ng mga taga-Bacolod bilang street-food at bite-sized chicken barbecue, na sinangkapan ng luyang dilaw at atsuete.
3 Puto with Humba. Puto na may humba. Sikat ang humba sa Samar at Leyte. May angking panlasang Chino dahil may sangkap itong toyo at sangke o star anise. Nilagay sa ibabaw ng puto, na manamisnamis. Naghalo ang alat, tamis at linamnam sa isang subo at kagat.
4 Lumpia with Tinapa. Lumpia na may tinapa. Pamana ng mga Chino na di natin mapapagkaila. May mausok at katamtamang alat na lasa ng tinapa. Hinaluan pa ng mani, munggo, sibuyas at bawang. May sarsang sawsawan na manamisnamis.
5 Kinilaw Trio. Tatlong Kinilaw. Ceviche ang tawag nito sa Mexico at Peru na pinaniniwalaan na ng mga katutubong Pilipino ang nagdala nito doon. Niluluto ang isda sa pamamagitan ng asido ng suka o calamnsi. Tampok dito ang kinilaw na talakitok at lamang dagat tulad ng tahong at halaan. Nakakain ka na ba ng kinilaw na kambing?
6 inihaw na Kalabaw. Inihaw na kalabaw. Ang ating mga ninuno ay kumakain ng kalabaw. Bagamat ito ay katuwang ng mga magsasaka sa pag bubungkal ng lupa, ang karne nito ay sadyang malasa. Sinamahan ito ng ensalada na may habitsuelas, buko at mangang hinog.
7 Sinigang na Talakitok sa Santol. Sinigang na talakitok sa santol. Hindi lamang sampalok ang maaaring gamitin na pampaasim sa sinigang. Kahit anong bungang kahoy na may taglay na asim ay maaari ding gamitin tulad ng pinya, bayabas at siniguelas. Ang sinigang sa santol ay may anking tamis asim na kinagiliwan ng ating mga ninuno mula pa noong unang panahon.
8 Torta de Chorizo. Torta de chorizo. Ang torta at chorizo ay minana natin mula sa mga Kastila at ito ay niyakap natin at gumawa tayo ng iba’t iban bersyon tulad ng tortang talong. Ang chorizo naman ay ginawa nating longganisa. May mga pira-pirasong chorizo na nababalot sa binating itlog na malinamnam sa bawat kagat.
9 Ensalada de Maize. Ensalada se Maize. Ang mga Mehikano ang nagdala ng mais sa Pilipinas. Ang bersyong ito ay mistulang tamales at masang mais na sinagkapan ng salsa ng abokado, kamatis at cilantro o wansoy—ito ay mga katutubong prutas at gulay na galing sa Mexico mula pa sa panahon ng Galleon Trade.
10 Binagoongang Baboy damo with Native Rice. Binagoongang baboy na hinalo sa katitubong bigas na binalot sa dahon ng saging. Sino bang hihindi sa putaheng ito. Ang kagat at kunat ng katutubong bigas na may samyo ng dahon ng saging, ang alat ng bagoong at linamnam at lambot ng hibla ng laman ng karne ng baboy ay nagpapatunay na ang simpleng lutong bahay ay maaari ipangtapat sa larangan ng pandaigdigang pagkain.
11 Patotim. Patotim at sotanghon. Pinong-pino ang kultura ng pagluluto ang ipinamana ng mga Chino sa ating bansa. Paborito ng mga Tsinoy ang pato. Tampok ito sa bawat piging at handaan. Gayun din ang pancit, lalong lalo na ang sotanghon. Pinaniniwalaan natin na pampahaba ng buhay kapag hinahain ang pancit tuwing pinagdiriwang natin ang ating kaarawan.
12 Balbacua at Bringhe. Balbacua at bringhe. Nagmula sa bansang Mexico ang balbacua. Dito nagmula ang salitang barbecue. Ang bringhe naman ay sikat sa Pampangga at Cavite. Ito ang ating paella, isang lutuin na nagmula sa Valencia, España. Ang bringhe ay dinilawang bigas na niluto sa malinaw na sabaw ng baka. Ang pagsasanib ng balbacua at bringhe ay isang pagpapatunay na ang kalinangan ng ating kultura sa pagluluto ay talagang hinog na upang matikman ng buong daigdig.
Ang tawag dito sa Ingles ay Culinary Fusion.
Ang Philippines on a Plate tour ay gaganapin tatlong beses sa isang linggo (Sabado, Linggo at Martes)sa ganap na 6:30 ng gabi, sa Visayan Room ng XO46 Heritage Bistro sa kahabaan ng Valero St, Salcedo Village, Makati City. Ang “tour” ay maaari ding ganapin at dalhin sa ibang lugar para sa minimum na 30 katao. Para sa mga katanungan at reserbasyon, tumawag sa 553 6635 at 32. Ang piging ay nagkakahalaga ng Php2,800 sa bawat tao.