FILARIASIS awareness month ang buwan ng Nobyembre. Ito ay batay sa Exe-cutive Order No. 369 na pininirmahan noong Oktubre 5, 2004 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ang filariasis, o mas kilala rin sa tawag na elephantiasis, ay isang rare condition na ang pinagmulan ay lamok.
Isa itong sakit na tinatawag na Neglected Tropical Disease (NTD) o mga karamdaman na nakakaapekto sa mahigit isang bilyong tao sa mundo.
Karamihan sa mga nadadapuan ng NTD ay ang mga nakatira sa mga bansang may tropical climate, gaya ng Pilipinas.
Ang karaniwang tawag dito na elephantiasis ay ibig lang sabihin, kung meron ka nito, maaring lumubo o lumaki ang iyong braso o binti kaysa sa normal nitong laki. Posible na maging ang iyong sex organ at dibdib ay pwede ring lumaki nang di normal. Ang apektadong balat ay makapal at matigas na parang balat ng elepante.
Mga sintomas ng filariasis
Kadalasan nakukuha ito dahil sa maraming kagat ng lamok, at kung ikaw ay nakatira sa lugar kung saan present din ang ilang uri ng roundworms o bulate.
Nagsisimula ito kapag ang lamok na infected ng itlog ng bulate ang kumagat sa iyo at pumasok sa iyong bloodstream. Lumalaki ito sa iyong lymph system at pwedeng mabuhay roon ng kung ilang taon dahilan para maapektuhan ang iyong kalusugan at lumabas na ang elephantiasis.
Ang mga unang sintomas ng filariasis ay hindi nakikita sa pisikal na katawan dahil kumakalat pa lamang ang sakit sa loob ng iyong katawan. Subalit kapag tumagal na, lalabas na ang mga senyales nito. Ilan sa mga ito ay ang:
– Lagnat
– Panginginig
– Pananakit ng katawan
– Panghihina
– Pamamaga at paglaki ng mga lymph nodes
– Pagkakaroon ng edema
Madalas na nararanasan ang filariasis sa braso, binti o kaya naman sa ari. Subalit puwede pa ring magkaroon ng sakit na ito sa kahit anong parte ng katawan. Kaya kapag napapansin na ang ilan sa mga sintomas na nabanggit lalo na ang pamamaga at pagkakaroon ng edema, mabuting bumisita na agad sa doktor para magpakonsulta.