Boycott sa local meat products hindi makatarungan

KINONDENA ng mga lokal hog raisers at maging ni dating Agriculture secretary Manny Pinol ang pahayag ng samahan ng meat processors na hindi sila gagamit ng mga lokal na produktong baboy sa harap naman ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa, partikular sa maraming lugar sa Luzon.

Sa Facebook post ni Pinol tinawag niya ang panawagang boycott ng mga meat processors sa lokal na produktong baboy na “arrogance, insensitivity at greed”.

“Let us identify these companies and let’s boycott their products as well. This is the height of greed, arrogance and insensitivity by these few meat processors,” sabi ni Pinol.

Idinagdag ni Pinol na nagsimula naman ang ASF sa mga imported na meat products.

“Remember that Cebu seizure of imported pork from Germany na hinaluan ng karne from ASF affected Poland? Di ba miembro ng meat importers association yon?” ayon pa kay Pinol.

Iginiit ni Pinol na wala pang Pinoy ang namamatay sa gutom dahil sa hindi pagkain ng hotdog, meat loaf at tocino.

May punto si Pinol dahil hindi naman kakalat ang ASF kundi dahil sa ginagawang importasyon ng mga produktong karne.

Hindi kasi maiiwasan na may nakakalusot na karne na galing sa mga bansang apektado ng ASF.

At ngayong apektado na ng ASF ang ating bansa, hugas kamay ang mga meat processors at nagmukha pang ang lokal na mga hog raisers ang nagsimula ng problema.

Kung gugustuhin lamang ng mga kaukulang ahensiya, matitiyak na ligtas sa ASF ang mga baboy at iba pang karneng ibinibenta sa mga palengke at supermarket kung gagawin lamang nila ng tama ang kanilang trabaho.

Dumadaan naman sa mga pagsusuri ang mga baboy bago katayin kayat kung walang magpapalusot, ligtas dapat sa ASF ang mga bibilhin at ihahapag ng mga tao.

Ang kailangan ay mas mahigpit na programa kontra ASF.

Paigtingin dapat ng Department of Agriculture (DA) at mga lokal na pamahalaan ang kanilang kampanya at hindi lamang umaaksyon kapag may napaulat nang outbreak sa kani-kanilang nasasakupan.

Dapat ay gawin ang lahat ng aksyon para hindi na kumalat pa ang ASF sa iba pang lugar sa bansa.

Sa panig naman ng mga meat processors, dapat muling ikunsidera ang planong boycott ng mga lokal na baboy at iba pang karne nito.

Read more...