LABING-siyam katao ang nasawi at 21 pa ang nasugatan nang mahulog ang trak na may sakay na mga magsasakang nabiktima ng bagyo, sa isang bangin sa Conner, Apayao, Huwebes ng hapon.
Karamihan sa mga sakay ng trak ay mga magsaasakang mula Brgy. Lattut, Rizal, Cagayan, na tumanggap ng mga binhi na ipinamahagi ng gobyerno sa Brgy. Gagabutan, ng naturang bayan, sabi ni Lt. Col. Carolina Lacuata, tagapagsalita ng Cordillera regional police.
“Mga biktima sila ng recent na bagyo kaya binigyan sila ng binhi ng palay,” sabi ni Lacuata sa Bandera.
Labindalawa sa mga nasawi’y mga babae, na nakilala bilang sina Amparo Aberion, 63; Hermilina Dacuycuy, 57; Leticia Patay, 49; Susana Milo, 48; Brenda Talay, 25; Margie Pamittan, Imelda Talay, Pacita Dajucon, Mercy Pataras, Rosemarie Molina, Ludalina Molina, at Aida Batallones.
Pito naman ang lalaki, nakilala bilang sina Claro Mamauag, 71; Conrado Sabatan, 70; Domingo Asperela, 66; Mamerto Milo, 62; Rudy Pagtama, 38; Jason Talay, at Reymundo Sosa.
Sa mga sakay ng trak, si Batallones lang ang taga-Cordillera. Chairman siya ng Sangguniang Kabataan sa Brgy. Allangigan, Conner.
“Nakisakay lang daw siya (Batallones) sa Tuao, Cagayan,” ani Lacuata, sabay dagdag na tatlo pang pasahero ang di nasaktan.
‘Short cut’
Naganap ang insidente dakong alas-5, habang dumadaan ang Isuzu Elf truck (XRM-186), na dala ni Adan Gannaban, sa bulubunduking bahagi ng Sitio Gassud, Brgy. Karikitan.
Ayon kay Lacuata, pauwi na ang mga magsasaka matapos tanggapin ang mga binhi, at nag-“short cut” ang kanilang sasakyan.
“Pabalik na sila nung mangyari ang insidente… shortest route daw ‘yung dadaan sila sa Conner,” aniya.
Lumabas sa imbestigasyon na habang binabagtas ng trak ang paakyat na daan patungong Conner proper, namatay ang makina nito at nagloko ang preno.
Dahil dito’y nawalan ng kontrol sa manibela ang driver, hanggang sa nahulog ang sasakyan sa baging may lalim na aabot sa 15 metro, ani Lacuata.
Unang napaulat na 70 katao ang lulan ng trak, ngunit nakumpirma ng lokal na pulisya na 43 lang ang lahat ng sakay.
Iniuwi na ng mga kaanak ang mga nasawi, habang ang mga sugata’y dinala sa Conner District Hospital para malunasan.