HUMIGIT kumulang apat na milyong piso ang mapapanalunan ng mga mangungunang kabayo sa ikaanim na edisyon ng Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival na lalarga sa Linggo, Nobyembre 3, sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.
Ang one-day racing festival na ito ay kinatampukan ng apat na premyadong karera bilang paggunita sa anibersaryo ng Pasay City.
Ang 6th Pasay ‘The Travel City’ Cup ay may nakatayang P700,000 premyo para sa unang apat na magtatapos. Ang 1,600-metrong karerang ito ay paglalabanan nina Summer Romance, Truly Ponti, Stella Malone, Certain To Win, Victorious Colt, Scarborough Shoal, Metamorphosis, Pangalusian Island at Und Kantar.
Apat sa unang limang pagtatanghal ng naturang karera ay pinagwagian ng imported na kabayo kaya naman kinukunsiderang llamado sa Linggo ang mga imported runners na sina Truly Ponti, Certain to Win, Stella Malone, at Und Kantar.
Ang mananalong entry sa 6th Pasay ‘The Travel City’ Cup ay mag-uuwi ng P420,000 para sa winning owner, trainer, at jockey.
Naglaan din ng P700,000 papremyo para sa 6th Pasay Rep. Tony Calixto Cup na paglalabanan ng limang local runners na sina Toy For the Big Boy, The Accountant, Shanghai Grey, My Jopay, at ang paboritong si Boss Emong.
Naglaan din ang Philracom ng P1.04 million guaranteed prize para sa ikalawang leg ng Juvenile Fillies & Colts Stakes na tatakbuhin sa distansiyang 1,400 metro.
Ang mga official entry rito ay sina Batang Evalom, Kiwirose, Union Bell, Four Strong Wind, Our Secret, Prime Time Magic, Exponential, at Carmela’s Fury. Ang top winner ay magwawagi ng P600,000.
Inaasahang dadalo sa MetroTurf sina Rep. Tony Calixto at Mayor Emi Calixto-Rubiano para personal na saksihang ang mga kapanapanabik na karera at iabot ang mga tropeyo at premyo sa mga mananalo.
Bakbakang umaatikabo rin ang inaasahang makita sa 5th Former Pasay OIC Mayor Eduardo ‘Duay’ Calixto Cup na meron nakalaang P300,000 guaranteed prize sa top four placers. Opisyal na mga kalahok dito sina Mark of Excellence, Top Attraction, Harapin Mo, To It’s Si Bing, Union Run, Miss Campbell, at Queensboro. Ang mananalo sa karerang ito na paglalabanan din sa 1,600 metro ay tatanggap ng top prize na P180,000 at isang magandang tropeo.
Nakatakda ring paglabanan sa Linggo ang mga sumusunod: Pasay City Mayor Emi-Calixto Rubiano Trophy Race; Pasay Vice Mayor Noel del Rosario Trophy Race; Coun. Mark Calixto Trophy Race; Pasay City Engineer’s Trophy Race; Pasay City Councilors District I Trophy Race; Pasay City Councilors District II Trophy Race; Pasay City Barangays Trophy Race; at ang Resorts World Manila Trophy Race.