MAY paniniwala na naglalakbay ang mga kaluluwa kapag Araw ng mga Patay. Katumbas ito ng hungry ghost month ng mga Chinese.
Ayon sa Feng Shui expert na si Master Hanz Cua (masterhanzcua.com) may mga bagay na maaaring gawin upang hindi gambalain ng mga kaluluwa at mapasaya ang mga ito.
“Ang ghost month is ikapitong buwan sa Chinese lunar calendar ang ikapitong buwan na yan is parehas yan sa November 1natin. Pinaniniwalaan na ang mga soul ay nakalabas para maalayan natin ng pagkain, maalayan natin ng prayer, mabisita natin ang puntod nila, mag-alay ng insenso o kandila,” ani Master Hanz.
Ayon sa feng shui expert may tatlong kulay ng kandila na maaaring sindihan sa araw ng patay.
Ang puting kandila ay para sa mga kamamatay lang o isang taon pa lamang namamatay.
Kung dalawang taon nang patay, ang kandila na dapat sindihan ay dilaw.
Ang mga namatay ng tatlo o higit pang taon ay maaari namang alayan ng pulang kandila.
Bukod sa kandila, maaari ring mag-alay ng pagkain sa mga namayapa. Maaaring mag-alay ng karne ng baboy, isa, manok at prutas.
Pero mag-ingat sa pag-aalay ng prutas na magkakadikit gaya ng saging, longan, ubas, lansones, rambutan dahil “nagsi-signify ng sunod-sunod daw na pagkamatay, o sunod-sunod na problema sa family.”
Payo ni Master Hanz ilagay ang alay sa labas ng bahay bagamat pwede rin naman ito sa loob.
“Itong mga hungry ghost na to ang gusto natin po ay nasa labas palang busog na para hindi na sila pumasok para hindi sila magdulot ng mga problema o issues sa ating tahanan.”
Maaaring gawing happy ang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal, pagkain, insenso, kandila, paper money, at paglilinis ng puntod.
Maganda rin umano kung magsasama-samang dadalaw sa puntod ng mahal sa buhay ang mga kapamilya ng namayapa para “ma-feel nila ang presence natin para sila ay maging happy ghost.”