POSIBLENG magtambal sa pelikula ang real life partners na sina Arjo Atayde at Maine Mendoza.
Kahit magkaiba ng kinabibilangang TV network (ABS-CBN si Arjo at GMA naman si Maine), malaki ang posibilidad na magbida sa isang bonggang proyekto ang dalawa dahil uso na ngayon ang hiraman ng talents.
Nakachikahan namin si Arjo kamakailan at dito nga niya sinabi na open siya sa possibility na magsama sila sa isang project. Pero aniya, kailangan daw ibang-iba ang materyal sa lahat ng mga nagawa nila in the past.
In fairness, mukhang promising nga kapag sina Arjo at Maine ang nagsama, talagang aabangan ito ng kanilang fans, pati na ng mga bashers. At siguradong gagawa ito ng ingay tulad ng “Hell, Love, Goodbye” nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
At feeling namin, mas matsa-challenge pa si Maine kapag si Arjo ang nakatambal niya dahil kilalang award-winning na ngayon ang anak ni Sylvia Sanchez.
Sino ba naman ang makakalimot sa viral at trending performance niya sa The General’s Daughter kung saan gumanap siya bilang si Elai. Bukod diyan, umani rin ng papuri at award ang pagganap niya bilang kontrabida sa “BuyBust” ni Anne Curtis at ang kanyang super successful iWant original series na Bagman.
Napanood na rin ni Arjo ang “Isa Pa With Feelings” nina Maine at Carlo Aquino at masasabi niyang natural drama actress din si Maine. Proud siyempre siya sa dalaga dahil kahit may takot siya sa heavy drama, tinanggap nito ang hamon na makagawa ng pelikulang maipagmamalaki niya.
Samantala, inamin din ng Kapamilya actor na naipagluto na niya si Maine pero ayaw na niyang banggitin kung ano ito at kung nasarapan ba ang dalaga. Siya na lang daw ang tanungin namin tungkol sa kanyang nilutong putahe.
And yes, bilang may background naman talaga sa cooking si Maine, naipagluto na rin si Arjo ng dalaga pero hindi niya sinabi kung anu-anong putahe ang kinarir ng TV host-actress-influencer para ipatikim sa kanya.
Kilig-kiligan naman si Arjo nang matanong kung ano ang term of endearment nila ni Maine. Ayaw pa niya itong banggitin tila nahihiya siya pero kitang-kita mo sa mukha niya ang labis na pagkakilig.
Yes, “Babs” ang tawagan nila pero nang usisain namin kung bakit yun ang napili nila, “Ano kasi, basta mahaba ‘yung kuwento nu’n.”
Sa ngayon ay very open na ang dalawa sa kanilang relasyon, wala na silang itinatago sa publiko. Kamakailan ay spotted sila habang nagbabakasyon sa Osaka, Japan.
Kumalat ang kanilang mga litrato na kuha sa airport bago sila lumipad. In fairness, game na game naman silang nakipag-piktyuran sa mga fans pati na sa mga Pinoy na nakakilala sa kanila sa Japan.
Mukhang wala rin silang problema sa kani-kanilang pamilya dahil balitang tanggap na tanggap na rin ng sila ng mga ito. Botong-boto rin ang nanay ni Arjo na si Sylvia Sanchez kay Maine.
Puring-puri ng award-winning actress anmg kasimplehan at kasipagan ni Maine noong ipakilala na siya nang personal ni Arjo sa kanilang pamilya.
Samantala, sa lahat naman ng fans and supporters ni Arjo na nagtatanong kung ano na ang susunod niyang project, huwag kayong mag-alala dahil bago matapos ang taon ay marami pang pasabog ang binata sa kanyang career.