‘Guerrero Dos’ ng EBC Films iniyakan, pinalakpakan ng press; baguhang childstar lalabang Best Actor

 

PALAKPAKAN matapos mag-iyakan ang mga nanood sa celebrity screening at press preview ng pelikulang “Guerrero Dos: Tuloy Ang Laban” kamakailan mula sa EBC Films (Eagle Broadcasting Corporation).

Ginanap ang special screening ng pelikula sa INC Museum Theater na dinaluhan ng cast members at ng mga taga-production.

Actually, hindi na kami masyadong nag-e-expect ngayon kapag naiimbitahan kami sa premiere ng mga indie films, kaya talagang nagulat kami sa kalidad at ganda ng pagkakabuo ng “Guerrero Dos” na idinirek ni Carlo Ortega Cuevas.

Marami nang napanalunang award si Direk Carlo kabilang na ang Best International Filmmaker sa Festival of World Cinema sa London at Best Screen Play sa International Film Festival Manhattan.

Yes, isa kami sa naiyak sa kuwento ng pelikula na umiikot sa buhay ng batang si Miguel Guerrero na ginampanan ng napakagaling na child actor na si Julio Caesar Sabenorio.

Siya ang kapatid ng boksingerong si Ramon Guerrero na na-coma matapos mapatumba ng kanyang kalaban sa huling boxing match na ibinigay ng kanyang coach.

Sa part 1 ng pelikula (2017), ipinakita ang buhay ni Ramon bilang boxer na wala pang naipanalong laban hanggang sa ma-comatose na siya. Magsisimula ang part 2 ng movie sa ospital kung saan naka-confine si Ramon – dalawang taon na siyang comatose kaya two years na ring nagbabantay sa kanya ang ina at kapatid na si Miguel.

Doon na halos nakatira ang nanay at bunsong kapatid ni Ramon kaya umikot ang buong pelikula sa naging buhay ng mag-ina sa loob ng ospital at sa mga taong naging bahagi na ng kanilang pakikipaglaban para sa paggising ni Ramon.

Sabi ng award-winning director na si Carlo Cuevas, “The story focuses on Miguel Guerrero and how he can make those people happy inside the hospital despite their illness.”

Unang-una, napakaganda ng kuwento ng pelikula, magagaling ang lahat ng artistang nagsiganap kahit na hindi pa sila nabibigyan ng malaking break sa mainstream movies at maging sa telebisyon. Natural na natural ang kanilang akting kaya relate na relate ang mga manonood.

Pero ang talagang nagpaiyak sa mga um-attend sa ginanap na special screening ay ang makatotohanang pagganap ni Julio bilang si Miguel. Grabe siya! Aakalain mong napakarami na niyang drama series na nagawa pero sa totoo lang, wala pa siyang nagagawang mainstream series at movies.

Komento nga ng ilang reporter, pagkatapos ng “Guerrero Dos” dapat lang na mabigyan na ng mas malalaking project sa TV at sa big screen ang bagets dahil pang-best actor na ang akting na ipinakita niya sa movie, lalo na ang monologue niya sa harap ng comatose niyang kapatid matapos mamatay ang kanyang nanay.

Yung eksenang yun ang pwedeng magbigay ng best actor trophy kay Julio dahil doon napaiyak nang bonggang-bongga ang mga manonood na sinundan pa ng malakas na palakpakan.

Ayon kay Julio, wala naman siyang malalim na pinaghuhugutan sa pagganap niya bilang Miguel, isinapuso lang niya ang karakter at inisip na totoong nangyayari ang mga madadramang eksena nila.

Pero pag-amin niya, “Kapag po sa drama, yun po yung panakamahirap na gawin. Yung pag-iyak mahirap din po pero pag nandu’n ka na, basta tutulo na lang po yung luha ko.”

Isa pa sa nagmarka sa amin ay ang karakter ni Lolo Ruben na ginagampanan ni Art de Guzman. Siya ang pasaway at laging galit na asawa ni Delia na nagtangkang mag-suicide dahil sa pagkamatay ng kanilang nag-iisang anak.

Grabe ang galit sa mundo ni Lolo Ruben kaya halos lahat ng nasa ospital kung saan naka-confine ang asawa ay inaaway niya, pati ang mga doktor at nurse. Pero biglang mababago ang lahat nang makilala niya ang masayahing si Miguel na kahit dumaraan sa matitinding pagsubok ay nagagawa pa ring magpasaya ng kanyang kapwa.

Promising din ang gumanap na Nurse Liza sa movie na si Mia Suarez. Bukod sa kanyang refreshing aura, nakakaarte rin ang dalaga. In fairness, ang ganda-ganda ni Liza, sabi nga namin para siyang Korean actress na napasama sa isang Pinoy movie.

Sabi ni Mia inatake rin siya ng matinding nerbiyos habang ginagawa ang “Guerrero Dos” kahit nasa part 1 na siya. We have workshops three times a week and of course devotional prayers,” aniya.

Markado rin ang role ng action star na si Victor Neri sa movie na gumaganap bilang si Mang Cesar, isang hospital patient na nagbibigay ng lakas ng loob kay Miguel, “The character is going through trials. But just like a kapatid or a member of the Church, it is okay to cry as he hangs on to the words of God.”

Showing na ngayong Nobyembre ang “Guerrero Dos” at gaganapin ang premiere night nito ngayong Oct. 29, sa SM Megamall Cinema 4.

Read more...