Blessing si Alden sa maraming tao…pumayag siya sa hiling ko! – Betong

“BLESSING” ang turing ng Kapuso comedian na si Betong Sumaya sa Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards.

Magkasama ang dalawa ngayon sa GMA Telebabad series na The Gift at dito nga sila mas naging close dahil halos araw-araw silang nagkakasama sa taping.

Sa kanyang Instagram account, nag-post si Betong ng mensahe ng pasasalamat para kay Alden matapos siyang pagbigyan sa kanyang hiling.

“TY sa pagpayag ha, alam mo na yun, hehehe,” ang caption ng komedyante sa litrato nila Alden sa IG.

Abot-langit ang pasasalamat ni Betong nang pumayag ang aktor na mag-guest sa kanyang first major solo concert, ang “Betong’s Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?” na gaganapin sa Nov. 21 sa Music Museum.

“Actually, no’ng sinabi ko nga sa kanya, hiyang-hiya ako. Sabi ko, baka masyadong busy itong tao na ‘to pero siya po ‘yung nagsabi sa akin na, ‘O sige, itse-check natin ‘yan basta para sa ‘yo, gagawin natin kahit na walang bayad,'” pahayag ni Betong nang nakachikahan ng ilang members ng entertainment press sa nediacon ng kanyang concert.

Biro pa niya, “Medyo ihuhuli po natin si Alden kasi baka po kapag nauna si Alden, baka wala nang tao.”

Bukod sa lead star ng The Gift, makakasama rin bilang special guest sa first major concert ni Betong sina Dingdong Dantes, Miguel Tanfelix, Jeric Gonzales, Arthur Solinap, Patricia Javier, Maricris Garcia, Maey Bautista, Chuckie Dreyfuss, Carlo Gonzalez, Anthony Rosaldo at Aicelle Santos.

May pasabog din ang kanyang mga katropa sa Bubble Gang na sina Michael V., Chariz Solomon, Valeen Montenegro at Lovely Abella.

Ang “Betong’s Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?” ay mula sa Michael Angelo Productions at Make It Happen Media Production in partnership with GMA Artist Center.

Samantala, sa pagpapatuloy naman ng The Gift, mas titindi pa ang galit ni Jared (Martin del Rosario) kay Sep (Alden) dahil sa sobrang selos. Feeling kasi nito ay maaagaw ng binata si Faith (Thia Thomalla) sa kanya.

Kaya naman halos isumpa na ng manonood si Martin sa kasamaan niya kay Sep. Comment ng isang viewer, sana raw mabuking ni Sep lahat ng kasamaan ni Jared para maisumbong niya kay Faith at tuluyan na siyang iwan.

Nagdurugo naman ang puso ni Amor (Mikee Quintos) dahil hindi pa rin niya masabi kay Sep ang tunay niyang nararamdaman sa pag-aakalang si Faith pa rin ang mahal ni Sep. Sumumpa siya na ititigil na ang kanyang kahibangan. In fairness, ang daming naka-relate sa hugot niyang, “Nakakapagod magmahal.”

Sa episode last Friday, bumaha rin ang luha dahil maraming manonood ang umiyak sa pagkamatay ng tatay ni Strawberry (Jo Berry) na ginampanan ni Bembol Rocco. Muling pinuri ng netizens ang akting ni Jo sa nasabing eksena, pati na ang drama moments nila ni Elizabeth Oropesa bilang si Lola Char.

This week, abangan kung tatanggapin na ni Sep ang “gift” na ibinigay sa kanya kapalit ng pagkabulag. Handa na ba siyang maging daan para mailigtas ang mga taong nasa paligid niya sa pamamagitan ng mga makikita niyang pangitain at babala sa kanyang panaginip?

Napapanood pa rin ang The Gift sa GMA Telebabad after Beautiful Justice.

 

Read more...