MISMONG sa Department of Agriculture (DA) nanggaling ang impormasyon na may ilang produkto ng longganisa, hotdog ag tocino ang kontaminado ng African Swine Fever bagamat hindi naman pinangalanan.
Sa harap ng panawagan ng publiko na banggitin ang pangalan ng mga processed meat, nanindigan ang DA na hindi nito gagawin.
Iginiit ng DA na hindi pa naman ito kumpirmado.
Bakit kailangang sabihin na may mga meat products na may ASF kung hindi naman isasapubliko ang brand nito?
Kung hindi pa ito beripikado, bakit kailangang sabihin ito at bitinin ang mga mamimili?
Kung ang magiging rason ng DA ay ito’y para maiwasang maapektuhan ang benta ng baboy at meat products ay huli na para rito.
Patuloy lamang na naaapektuhan ang bentahan ng baboy at processed meat products sa ginagawa ng DA.
Dapat ay patuloy na magsagawa ng pagsusuri ang DA sa lahat ng mga ibinibentang processed meat products, may brand man o wala para malaman kung gaano na kalala ang ASF sa bansa.
Patuloy din ang pagkalat ng ASF sa iba pang lugar sa Luzon.
Kamakailan, nag-utos na ng lockdown sa Cavite matapos naman ang outbreak ng ASF sa lalawigan.
May pangamba na kung hindi ito mapipigilan, darating ang araw, magiging porkless na ang bansa.
Sana ay mali ang pangambang ito.
Hindi tuloy mapigilan ang mga lokal na pamahalaan na magdeklara ng ban sa Luzon dahil sa pangambang maapektuhan ang kani-kanilang mga lugar ng ASF.
Sa ngayon, desisyon ng publiko kung hindi na kakain ng baboy at processed food.
Ang mahalaga kasi kaligtasan pa rin ng bawat isa sa kabila naman ng pagtiyak na walang masamang dulot ang ASF sa kalusugan ng tao.