Nag-viral ang mga litrato ni Julia Montes na kuha habang naggo-grocery siya sa isang supermarket sa San Juan. Ibig sabihin, nandito na sa Pilipinas ang Kapamilya actress makalipas ang ilang buwang pagbabakasyon sa ibang bansa.
Sa Twitter, naging top trending topic pa si Julia dahil sa dami ng mga nag-repost at nag-like sa mga litratong ipinost ng mga netizens na nabigyan ng chance na makapagpa-picture sa kanya sa loob ng supermarket.
Makikita sa ilang photo si Julia na nakasuot ng puting shirt, denim jeans at shades. Pero may mga litrato rin na walang suot na shades ang dalaga kaya nakumpirmang si Julia nga ito.
Maraming natuwa sa pagbabalik sa bansa ng aktres at hinikayat pa siyang bumalik na agad sa pag-arte at gumawa uli ng mga teleserye. May mga nagtanong naman kung magkasama na ba sila sa bahay ng kanyang rumored boyfriend na si Coco Martin at kinumusta pa ang diumano’y anak nila ng aktor.
Kung matatandaan, may chika na nagpunta sa Germany si Julia matapos umanong manganak pero idinenay naman ito ng kanyang kampo. Huling napanood si Julia sa 2018 Kapamilya Gold series na Asintado. Hintayin na lang natin ang pagsasalita ni Julia tungkol sa mahabang panahong pagkawala niya sa bansa.