MARAMING social media influencers/vloggers ang makaka-relate sa pelikulang “You Have Arrived” dahil kuwento ito ng magkakaibigang sina Elisse Joson (Arianne), Arielle Roces (Flow), Barbie Imperial (Dani) at Teejay Marquez.
Ayon sa direktor na si Shugo Praico ay dumalo sa isang exclusive party ang magkakaibigan para maraming makilala at dumami ang subscribers ng kanyang social media account pero ang hindi nila alam malalagay sa panganib ang kanilang buhay.
“It’s not just a party, it’s cover-up for something, something bad na kailangan nilang pagdaanan the whole night at doon masusukat ang friendship nila, doon mas makikilala ang character and that journey would put them to a test para lumabas ‘yung tunay nilang pagkatao na malayo sa pagkakakilala sa kanila bilang funny at bubbly social media influencers,” kuwento ni direk Shugo.
Punumpuno ng aksyon ang “You Have Arrived” kaya dumaan sa matinding training sina Elisse, Arielle at Barbie na naging dahilan ng pagkakaroon nila ng mga pasa at sugat pero excited sila at ipinagmamalaki nila ang mga ginawa nila sa pelikula.
Hindi naman nalalayo sa tatlong aktres ang karakter nila bilang influencers dahil may kanya-kanya rin silang social media accounts. Sa Instagram may 2.4 million subscribers si Elisse, habang si Barbie naman ay meron ng 3.7 million followers at ang baguhang aktres namang si Arielle ay may 18.6K na.
Kaya natanong ang tatlo kung ano ang mas masakit – ang i-bash ng followers nila o ang maisulat ng nega ng mga reporters sa print media. Birong sabi ni Elisse, “Wala pong gustong sumagot. Ha-hahaha!”
Ani Barbie, “Para po sa akin, marami-rami rin akong close na reporters as in every time na may presscon o mediacon ay nandiyan po sila, so para sa akin mas mahe-hurt ako kapag galing sa mga kaibigan ko sa media. Kasi siyempre po mas malapit sila sa mundo namin at mataas ang respeto ko sa kanila at mas influential po sila kaysa sa bashers.”
“Kaya po para sa akin, importante ka sa mga reporters (friendly). Ako po nakikipag-communicate ako kahit hindi nakatapat sa akin ang camera kapag ini-interview. After po noon, binabati ko po sila like, ‘Huy, mars kumusta ka na?”
Sabi naman ni Elisse, “Pareho rin po ang nararamdaman ko na with the press ay nakakasama namin kayo personally kaya you know our hearts kung paano kami kaya we trusted you na lahat ng sinusulat n’yo is credible dahil na-build n’yo na ‘yung pangalan n’yo.
“Sa akin po very familiar na rin ang faces ninyo at nakakausap ko rin kayo off-cam kaya mas masasaktan ako kapag galing sa inyo, unless kung totoo, charing.! Sige isulat n’yo na,” aniya pa.