Trade sa pagitan ng Blackwater Elite at Meralco Bolts natuloy na

 

ALLEIN MALIKSI

APRUBADO na ang kasunduan sa pagitan ng Blackwater Elite at Meralco Bolts.

Ito ay matapos na isama ng Meralco ang kanilang 2020 at 2022 second round picks sa Blackwater kasama sina KG Canaleta at Mike Tolomia.

Nakuha naman ng Bolts mula sa Elite sina Allein Maliksi at Raymar Jose.

Pumayag ang Meralco na magdagdag ng ikalawang draft pick para maisagawa ang nasabing trade matapos na ibasura ng Office of the PBA Commissioner ang nauna nilang kasunduan noong Huwebes.

Sa orihinal na kasunduan, ipapadala sana ng Meralco sina Tolomia at Canaleta kasama ang isang future draft pick sa Blackwater kapalit nina Maliksi at Jose.

Hindi naman sumang-ayon dito ang league trade committee na naging dahilan para isama ng Meralco ang kanilang 2022 second-round draft pick at mapayagan ang nasabing trade deal.

Hangad ng Meralco na mapalakas ang kanilang frontline sa pagkuha kina Maliksi at Jose.

Nagpapalakas din ng kanilang lineup ang Blackwater matapos na mauna nang makuha ng Elite si Mike DiGregorio mula sa TNT KaTropa kapalit ni Brian Heruela.

Read more...