“THE last clear chance is a doctrine in the law of torts that is employed in contributory negligence jurisdictions. Under this doctrine, a negligent plaintiff can nonetheless recover if he is able to show that the defendant had the last opportunity to avoid the accident.” – Legal Match Law Library
Ang ibig sabihin nito ay may pananagutan din ang isang party sa banggaan sa kalye kung mapapatunayan na nagkaroon siya ng pakakataon na iwasan ang bangaan bago ito nangyari pero hindi niya ito ginawa.
Galing ito sa kasong Davies vs. Mann sa Inglatera noong 1842 kung saan nabangga ng karuwahe ni Mann ang kambing ni Davies na gumala sa lansangan habang nakatali sa puno.
Ayon sa desisyon ng korte nila noon, bagamat kasalanan ni Davies ang bangaan dahil iniwan niya ang kambing niya sa gitna ng kalsada, may pananagutan din si Mann dahil hindi siya dapat nagpapatakbo nang mabilis na naging sanhi rin ng banggaan. Kung nag-ingat umano si Mann ay maaaring naiwasan ang banggaan.
Opo! Ganito na po kaluma ang batas na laging ginagamit ng mga traffic enforcer kapag hindi nila kursunada ang isang partido sa banggaan sa lansangan.
Sa paggamit ng mga enforcer, kahit wala sa linya o sumalubong sa iyo (counterflow) ang sasakyan na nabangga mo, may kasalanan ka pa rin dahil “dapat iniwasan mo siya!”
Dahil ikaw ang nakakita at puwede ka naman umiwas, dapat ginawa mo ito. Hindi na kailangan pang isipin kung baka may katabi kang sasakyan nang sumalubong ang magaling sa iyo, o nagulat ka na lang dahil sinasalubong ka na niya.
Basta’t ang posisyon ng mga enforcer, may kasalanan ka rin dahil hindi mo siya iniwasan.
Pero ang batas na ito ay taliwas sa rule ng “right of way” kung saan lahat ng sasakyan sa lansangan ay may kany-kanyang lugar sa kalye. Kung susundin natin ang rule na ito, maayos sana ang daloy ng trapik dahil alam natin kung sino ang unang gagalaw, magbibigay, at saan tayo dapat nakapwesto.
Hindi ako abogado, pero napakadami ko nang nakitang banggaan kung saan yung driver ng sasakyang nasa lugar ay sinasampahan ng kasong “reckless imprudence” dahil sa “last clear chance” policy na ito.
Maliban sa lalong nagiging tiwali ang mga driver ng pampublikong sasakyan, tulad ng jeepney na siyang laging gawain ang mag-counterflow, hindi ito tumutulong sa pagsasaayos ng trapiko dahil laging may lusot ang mga loko.
***
Auto Trivia: Magastos na ba sa gasoline o krudo ang sasakyan mo? Subukan mong silipin ang air at fuel filters ng sasakyan mo. Magpa-change-oil ka na din. Ang maayos na daloy ng hangin sa makina at malinis na fuel line ay isa sa nagpapatipid sa konsumo ng fuel mo. Ang masiglang langis ay tumutulong din sa pagpapatipid ng konsumo.
May komento o suhestiyon? Sumulat po sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.