Tatay ni Ria gumaganti kay JM: Siya kasi ang binu-bully ni Tita Sylvia…


ANG pelikulang “Lucid” nina JM de Guzman at Alessandra de Rossi ang isa sa hot topic ng mga dumalong reporter sa grand presscon ng Cinema One Originals 2019 bilang bahagi pa rin ng 15th anniversary nila sa movie industry.

Ayon sa direktor ng pelikula na si Victor Villanueva ay paranormal romance ang “Lucid” dahil sa panaginip nagkakilala at nagtatagpo ang mga karakter nina JM at Alessandra – dito kontrolado nila ang lahat ng mga mangyayari sa kanilang panaginip.

Kuwento ni JM, “It’s a lucid dreaming, you can control your dreams at puwede kang gumalaw sa panaginip mo at nag-meet nga kami sa dreams, ‘yung karakter ni Alex na isang empleyado, natrapik at kapag nananaginip, doon siya nag-eenjoy at doon ako pumapasok.”

Samantala, hiningan namin ng reaksyon si JM sa sinabi ni Ria Atayde na binu-bully siya ng daddy nitong si Art Atayde, “Lagi naman, eh. Saka sa akin lang gumaganti si Papa Art kasi siya ang binu-bully ni tita (Sylvia Sanchez), sa akin niya pinapasa,” nakangiting sabi ng binata.

Sinubukan din naming hingan ng update ang aktor tungkol sa kasong frustrated murder na isinampa ng nagngangalang Pitt Norman Zafra na nasulat namin dito noong Set. 22.

Sa ginanap ngang na Cinema One Originals Film Festival presscon nabanggit ng aktor na, “May naka-set na po na hearing at doon na lang namin aayusin. Nagkaroon na kami ng appearances at first hearing ito,” pahayag ni JM.

Ano sa tingin niya ang kalalabasan ng kaso, “Confident po ‘yung team namin na maaayos po ito legally and alam naming nasa tama kami.”

Inamin din ni JM na dahil sa kasong ito ay muntik na siyang mawalan ng trabaho. Ito rin ang isa sa dahilan kung bakit muntik nang hindi umere ang seryeng Pamilya Ko na napapanood ngayon bago mag-TV Patrol.

“Naapektuhan po, ‘yung show ko, muntik nang i-shelve because I have to maintain a good image na tapos biglang may ganu’n,” seryosong sabi ng aktor.

Ayon pa kay JM, nakipag-usap siya sa mga bossing ng ABS-CBN, “So nalaman nga ng management so I proved them na, hayun ipinakita ko lahat (pruweba).”

Sa tuwing mapapanood namin ang Pamilya Ko ay palaging may eksenang sinasampal ni Luz (Sylvia) si Chico (JM) kaya tinanong namin kung ilang beses nang lumagapak ang mabigat na kamay ng aktres sa mukha niya. Napangiti muna ang binata sabay sabing, “Lumagpas (kumawala) na nga ‘yung kaluluwa ko.”

Hindi ba daya ‘yun? “Dito (kanang bahagi ng panga) ako nagpapasampal para kaya kasi kung dito (pisngi), masakit talaga.”

Humihingi ba ng dispensa ang aktres pagkatapos siyang sampalin? “Hindi. Kasi alam naman namin na makakatikim kami so, pine-prepare na namin. Alam din ng mga bata ‘yun, ‘yung mga babae (anak sa serye). Kasi kung tumama ang buto mo sa palad, nakaka-lock jaw ‘yun.”

“Thank you Lord!” ang sambit naman ni JM sa mataas parati ang ratings nila. “Magaling po kasi ‘yung buong team saka ‘yung materyal para sa pamilya talaga.”

Pagkatapos ng “Lucid” ay may bagong pelikulang in-offer ang Star Cinema kay JM, “Kasama ko po si Kim Chiu, pinitch na sa akin, magpe-presscon na raw next week with Sam Milby. Hindi siya love story, suspense-horror,” kuwento ng aktor.

Samantala, magsisimula na ang Cinema One Originals sa Nob. 7 hanggang 17 at ang magiging opening film this year ay ang “Lighthouse” (Nob. 7) na gaganapin sa Ayala Mall, Manila Bay Cinema 7. Ang nasabing pelikula ay kasama rin sa World Cinema Winners 2019.

Ang iba pang pelikulang kasama sa Cinema 1 filmfest bukod sa “Lucid,” ay ang “Metamorphosis,” “O”, “Sila Sila, Tayo Muna Habang Hindi Tayo,” “Tia Madre”, “Utopia,” at Yours Truly, Shirley.”

Read more...