MANING-MANI kay Sarah Geronimo ginawa niyang akting sa latest offering ng Viva Films na “Unforgettable”.
Light man ang kanyang role sa movie, natural na natural ang acting niya at pagde-deliver niya ng mga linya.
Pero nang kinailangan niyang pumalahaw ng iyak sa kanyang drama moments, nagpasiklab naman ang Pop Star Royalty.
Sa totoo lang, unforgettable talaga ang performance ng singer-actress sa pelikula na collaboration project nina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan. Aktres na aktres si Sarah sa lahat ng kanyang eksena mula simula hanggang ending.
Nakakaaliw ang character ni Sarah bilang si Jasmine, isang dalagang grabe ang pagiging honest at pagmamahal sa kanyang lola. Swak na swak din ang tandem nila ng wonder dog na si Milo na gumaganap bilang si Happy sa movie.
May kanya-kanya ring pasabog ang mga artistang guests ni Sarah, pero para sa amin, winner ang partisipasyon ni Anne Curtis bilang “singing nurse”! Talagang ginamit sa movie ang kanyang pamatay na boses.
Waging-wagi rin sa audience ang mga eksena ni Sarah with “Jowable” star Kim Molina na nagpatawa sa mga manonood.
Hindi na nga kailangan ni SG ng leading man sa movie para maging entertaining ito. Tama ang sinabi nina Direk Perci at Direk Jun na kering-keri ni Sarah na dalhin ang pelikula at pinatunayan naman yan ng girlfriend ni Matteo Guidicelli sa galing na ipinakita niya sa lahat ng kanyang eksena.
Wala mang kilig moments, siguradong mata-touch at mai-inspire kayo sa kuwento ni Jasmine at ng kanyang asong si Happy na nakasama niya sa isang journey tungo sa tunay na ibig sabihin ng unconditional love.
But wait, there’s more. Abangan n’yo ang ending ng movie dahil doon lalantad kung sino ang aktor na mabibighani kay Jasmine.
Showing na ang “Unforgettable” ngayong araw sa mga sinehan nationwide.