TULOY na tuloy na ang kauna-unahang major solo concert ng Kapuso TV host-comedian na si Betong Sumaya, ang “Betong’s Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?”
Matagal na palang hinihikayat ng mga bossing sa GMA 7 si Betong na mag-concert pero lagi niya itong tinatanggihan dahil feeling niya hindi pa siya handa.
“Sabi ko nga sa kanila parang hindi pa tamang panahon, marami pa akong kakaining bigas. Pero talagang noon ko pa hilig kumanta kaya kapag may Kapuso show dito at sa abroad nae-enjoy ko talaga, kasi love ko rin ang music,” pahayag ni Betong kahapon sa presscon ng kanyang “Betong’s Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?”
Pero ngayong 2019 nga, nagdesisyon na si Betong na tanggapin ang hamon para ibandera sa buong universe na hindi lang pagpapatawa at pagho-host ang kaya niyang gawin.
Naisip din niya na magandang birthday celebration din ito para sa kanya at sa mga taong walang sawang nagmamahal sa kanya. He’s turning 44 na this coming Nov. 21 na mismong araw ng kanyang kaarawan.
“Hindi lang ako sa comedy, pwede rin ako kumanta, pwede rin sumayaw, and at the same time mag-perform. Gustung-gusto ko yung feeling na nakakapagpasaya ako ng mga tao,” ani Betong.
“And ‘yun din po gusto ko, mag-perform. ‘Yun ‘yung ginagawa ko since high school and college. Tapos sumasali rin ako dati sa mga singing contest at nananalo naman po,” pahayag pa ng Kapuso comedian na napapanood din gabi-gabi sa Kapuso Primetime series na The Gift starring Alden Richards.
“Actually, sabi ko nga two years ago pa binuo ito. Ako ‘yung tumanggi. Tapos sabi ko ngayon lagyan natin ng dahilan kung bakit ako magco-concert. Tapos tamang-tama birthday ko ng November 21, and at the same time thanksgiving na rin,” paliwanag pa ni Betong.
At dahil pa-thanksgiving na rin ito ni Betong, talagang kinarir niya ang pag-iimbita sa mga kaibigan niya sa showbiz na naging bahagi na rin ng kanyang journey.
Kabilang na nga riyan ang mga itinuturing niyang mentor na sina Michael V., Dingdong Dantes at Alden Richards. Makakasama rin sa concert ang mga kasamahan niya sa Bubble Gang. Ipinagdarasal din niya na sana’y makasama rin niya ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Ngayon pa lang ang naghahanda na nang bonggang-bongga si Betong para sa mga pasabog na production numbers na gagawin niya. Dasal niya, sana raw ay mapaligaya niya ang lahat ng manonood sa concert niya.
Hiyang-hiya naman si Betong sabihin namin sa kanya na posibleng siya na ang maging male counterpart ni Ai Ai delas Alas bilang Comedy Concert King, “Naku, try ko lang to ha! Wala munang ganu’n. Basta ang gusto lang namin, magbigay ng maganda at masayang show.”
Ang “Betong’s Amazing Concert: Try Ko Lang Ha?” ay sa direksyon ni Juan Paulo Infante and under the musical direction of Jojo Diamse.
Presented by GMA Artist Center and Michael Angelo Productions, magaganap ang pasabog na concert ni Betong sa Music Museum sa Nov. 21. Tickets are available on Ticketworld (891-9999).