Kolumnista ng tabloid, kasama patay sa ambush

PATAY ang kolumnista ng tabloid na Remate at kanyang kasama nang tambangan ng armadong kalalakihan sa Arayat, Pampanga, Linggo ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi bilang ang kolumnistang si Jupiter Gonzales, 52, at kasama niyang si Christopher Tiongson.

Dumadaan sina Gonzales sa Brgy. Cacutud lulan ng kanyang Nissan Almera sedan (AQA-8441) dakong alas-10:30, nang paputukan ng mga armado ang kotse, ayon sa ulat ng Central Luzon regional police.

Sumalpok pa sa plant box ang kotse, na noo’y minamaneho ni Gonzales patungo sa Olongapo-Gapan road, nang mawalan ng malay ang mga sakay nito.

Dead on the spot si Tiongson. Dinala pa ng mga rumspondeng pulis si Gonzales sa Arayat District Hospital, pero di siya umabot nang buhay, ani USec. Joel Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security.

Ayon kay Egco, nakikipag-ugnayan siya sa pulisya at pamumunuan ang mga imbestigador ng task force na sisiyasat sa insidente.

Kilala si Gonzales bilang kritiko ng mga iligal na sugal sa mga peryahan, aniya.

Read more...