NAGKAIYAKAN sina Megastar Sharon Cuneta at Asia’s Songbird Regine Velasquez sa kanilang two-night “ICONIC” concert na ginanap sa Araneta Coliseum nitong weekend.
In fairness, talaga namang iconic ang naganap na concert dahil for the first time nga ay nagsama sa isang stage ang dalawang showbiz icon kung saan kinanta nila ang mga classic hits na kanilang pinasikat.
Ilang beses naiyak si Sharon habang nagpe-perform lalo na nang kantahin niya ang “Mr. DJ” at “High School Life” na naging si-mula ng kanyang kasikatan bilang singer. At dahil sa kaiiyak niya, lumala pa ang kanyang sipon kaya hingi siya nang hingi ng tissie. Biro nga niya, “Pakasalan ko na kaya ang tissue?!”
Wagi rin ang duet nina Mega at Regine para sa kanilang mga hit songs. Pinalakpakan ng bonggang-bongga ang mash-up nilang “Narito Ako” at “Sana’y Wala Nang Wakas.” Nagmarka rin sa audience ang “Sinasamba Kita” ni Regine at ang version ni Mega ng “Buwan”.
Tilian at super clap din ang mga Reginians at Sharonians sa bagong version ng Songbird ng “Dadalhin”. Kung mataas na ang original na areglo nito, ibinirit pa niya ito nang todo sa “Ico-nic” kaya naman ang comment ng marami, napatunayan niyang siya pa rin ang reyna ng mga biritera.
Pero in fairness naman kay Sharon, hindi rin naman siya nagpatalbog sa pagbirit ni Regine dahil kahit na sinisipon at iyak nang iyak nasa kundisyon din ang boses niya. Pinalakpakan ng audience ang rendition niya ng “Buwan” ni JK Labajo. Muling umiyak si Mega nang kantahin niya ang hit song ni Regine na “Kailangan Ko’y Ikaw” na personal favorite niya.
“Hindi ko rin po alam kung bakit (nagiging emosyonal pag naririnig ang kanta. When I first heard this song, I wished it was mine. Concert ba ito or pelikula?” lumuluha niyang sabi.
Kinanta rin ni Mega ang “Dear Heart,” ang theme song ng first movie nila ni Gabby Concepcion. “Para sa inyong mga umaasa, litong-lito na rin ako. Pero parang may pag asa,” aniya tungkol sa reunion movie nila ng ex-husband.
Samantala, nagmistula namang pa-tribute ni Regine kay Sharon ang ilang bahagi ng concert bilang fan ni Mega. Aniya, ang mga kanta ni Shawie ang naging inspirasyon niya mula pa noong pagkabata niya.
Nang kantahin nila ang “Bituing Walang Ningning” hindi na napigilan ni Regine ang emosyon at napaiyak din. Mahigpit silang nagyakap ni Sharon pagkatapos ng kanta. “My inspiration, my one and only icon, my Megastar,” sey ni Regine.
Sa huling bahagi ng concert, lumuhod si Regine nang nakayuko sa harap ni Mega at pagtayo naman ni Regine, lumuhod din si Sharon at yumuko sa harap ng Songbird at saka mahigpit na nagyakap.
With Rowell Santiago as director of “Iconic”, natapos ang concert with ‘80s dance hits medley – “Breakout,” “Get Into the Groove,” “I Wanna Dance With Somebody,” “Gloria,” “Enough is Enough” and “I’m So Excited.”
Ilan sa mga celebrities na nanood sa first night ng concert ay sina Robin Padilla na tinitilian ng audience kapag ipinapakita sa wide screen, Gary Valenciano, Vice Ganda, Anne Curtis, Angeline Quinto, Erik Santos, Ara Mina at ang mga mister nina Regine at Mega na sina Ogie Alcasid at Sen. Kiko Pangilinan respectively.