RUFA MAE: Ayoko na munang magdyowa, istorbo lang!

 


ALIW na aliw ang lahat kay Rufa Mae Quinto sa presscon ng re-launching movie niyang “Ang Huling Henya” mula sa Viva Films at MVP Multi-Media dahil naging solo presscon niya ang dating.

E, kasi nga mahigit isang oras siyang dumaldal at kung may masisingit na tanong sa co-stars niyang sina Ricci Chan, Candy Pangilinan, DJ Durano, Jovic Monsod, at iba pa ay sisingit pa rin siya.

Kaya naman nakatingin at natutuwa na lang sa kanya ang direktor ng pelikulang si Marlon Rivera dahil nakita nito ang eagerness na muling makabalik ang komedyana sa malaking telon.

“Huling Henya” na raw ang bagong taguri kay Rufa Mae at hindi na “Booba” dahil tapos na raw ang mga panahon ng pagiging boba niya.

“Hindi naman kasi booba as in wala nito (sabay turo sa sentido) ang ibig sabihin ng booba kundi malaki ang boobey (dibdib). Kaya ganu’n ang naging tawag sa akin tapos minsan kung anu-ano rin ang nasasabi ko,” say ng nagbabalik na komedyana.

Inamin din naman ni direk Marlon na naiba ang pananaw niya kay Rufa Mae nang maka-usap niya ito ng ilang beses, at ikinuwento na kung paano muna siya kinausap ng komedyana.

“Isang umaga last year, nakatanggap ako ng text, sabi niya, ‘Hi direk, ito si Peachy (palayaw niya) ito, gumawa tayo ng pelikula.’ Sabi naman niya, ‘Ha! Ganu’n-ganun lang?’ kaswal lang. 

Tapos nag-meeting na kami, nag-usap kami. “At habang nag-uusap kami ni Famey (tawag ni direk Marlon sa komedyana), sobra akong na-fascinate sa kanya pagdating sa mga negosyo, sabi ko sa sarili ko, ‘Ay hindi pala ito tulad ng image niya.’

“Si Famey kasi, ang tagal na niya sa industriya, marami siyang pinapaandar na negosyo, huwag ninyong ina-underestimate ‘yung ipinapakita niyang imahe, hindi ‘yung booba, hindi naman ‘yun bobo, eh, kundi boobie, malaki ang boobs,” pagtatanggol ng direktor kay Rufa Mae.

Ito pa raw ang nakaisip ng gusto niyang concept ng pelikula, “Ang sabi niya, ‘Gusto ko direk ‘yung mala-Angelina Jolie.’ So from the booba image ginawa namin siyang henya na, so pinag-usapan namin, brainstorm kami, marami kaming lunch at dinner and eventually, nabuo namin ‘yung concept ng Henya,” paliwanag pa ni direk Marlon.

Dagdag naman ni Rufa Mae, “Gusto ko kasi kapag nagsolo ako ulit gusto ko matapang, astig, strong woman. Ang booba kasi kaya nag-click siya kasi naive, bata pa ako noon kaya hindi ko pa rin talaga naiintindihan ‘yung mga jokes ko, so parang mukha rin akong tanga talaga kasi hindi rin naman ako umiinom at hindi ko rin alam paano malasing, mga ganu’n.”

“So ngayon ko na-realize na talagang inosente ako nu’ng ginawa ko ‘yun tapos sunud-sunod lang ako kung ano ang pinagagawa ganu’n. Kaya sabi ko kung magsosolo ako ulit, ayoko ng solo na basta lang, gusto ko kakaiba, action, nakikipag-upakan, strong na babae.

Tapos may zombies pa kasi panahon ng zombies. Tapos destiny din dahil willing na mag-produce ang Viva Films.  So, I love myself for this,” nakangiti pero seryosong kuwento pa ni Rufa Mae sa press.

Aminado si Rufa Mae na loveless siya ngayon dahil ayaw niya ng istorbo sa career dahil kapag nagkakaroon daw siya ng dyowa ay nawawala siya sa focus.

Samantala, sa Agosto 21 na ang showing nationwide ng “Ang Huling Henya” at sinigurado ni Rufa Mae na kakaiba siya rito dahil hindi siya pabolosa at wala siyang make-up.

As of now ay magiging aktibo na ulit sa paggawa ng pelikula si Rufa Mae dahil muli siyang nagtayo ng bagong film outfit dahil ‘yung dati raw ay wala na at hindi na aktibo, “Actually, kaka-file (apply) ko lang kahapon (Miyerkules) para sa bagong production ko.”

( Photo credit to Google )

Read more...