NAKATIRA pa nu’n ang pamilya Barretto sa London St. sa Merville Subdivision. Hindi kalakihan ang inuupahan nilang bahay.
Nagsisimula nang mag-artista nu’n si Gretchen Barretto, nag-iimbita si Mommy Inday ng mga reporters na ipinagluluto mismo nito, masayang-masaya ang buong pamilya kapag nakakasama namin.
Batambata pa nu’n sina Marjorie (na napakadaldal) at Claudine, palaging ikinukuwento ni Mommy Inday na hindi makakatulog ang kanyang bunso nang hindi hawak ang kanyang tenga, puro tawanan ang maririnig sa paligid kapag ikinukuwento na ni Mommy Inday ang mga kakuwanan ng magkakapatid.
Tahimik lang si Daddy Mike, pangiti-ngiti lang, palaging nakakandong sa kanya ang bunsong si Claudine na nagta-thumb suck pa nu’n palagi.
Ngayon ay nagluluksa ang buong pamilya, pumanaw na ang poste ng kanilang tahanan, sa edad na otsenta’y dos ay namaalam na nga si Daddy Mike dahil sa maraming kumplikasyon sa kanyang kalusugan.
Nandu’n sa St. Luke’s ang magkakapatid, si Gretchen lang ang wala, dekada na ngayong may problema sa pagitan ng aktres at ng kanyang mga magulang.
Hindi dumalaw sa ospital si Gretchen habang nakikipaglaban sa buhay ang kanyang ama. Sabi ng mga nakatingin lang nang malayuan sa pamilya, sana, kahit sa burol ng kanyang ama ay sumilip naman si Gretchen.
Kapag magulang na ang sangkot sa usapin ay tinatapakan natin ang pride, tama man tayo o mali, dahil hindi naduduplika ang ating ama at ina.
Harinawang ganu’n nga ang mangyari, dalawin sana ni Gretchen ang mga labi ng kanyang ama, ang pinakaunang lalaking nagmahal sa kanya nang walang kundisyon.