TAON na rin ang nakalipas ng huling manood ng sine si Beauty Gonzalez-Crisologo.
Nakakatulog lang daw kasi siya sa sinehan at nasasayang lang ang ibinabayad nilang mag-asawa.
Nakausap namin ang Kapamilya actress sa mediacon ng pelikula nilang “Hellcome” at aniya, hindi talaga siya mahilig manood ng nakakatakot pero ang huling dalawang movie niya ay suspense-horror.
“Huli kong napanood siyempre ‘yung ‘Abandoned’ (pelikula nila ni Seth Fedelin sa iWant). Pero sa sine, actually sinabi ko kay direk (Bobby Bonifacio, Jr.) na hindi ako masyadong mahilig sa horror kasi ayokong magbayad para takutin ang sarili ko. Ha-hahaha. Pero magbayad kayo ha, kasi maganda ‘tong pelikula namin,” sabi ng aktres.
“I just like collecting (artifact) but I don’t like watching, I mean I don’t like ‘yung nasa movie. The inspiration I get from doing this horror is my collection so ‘yun lang ‘yun.
“Siguro the last time I watch horror was like seven years ago sa Greenhills kami, ‘Paranormal’ tapos kasama lahat ng gay friends ko, we were like 20 people. Pinalabas kami sa sinehan kasi ang ingay namin. Ang ingay-ingay na namin.
“Honestly kapag nagmu-movie kami ng husband ko, nakakatulog ako, hindi ko alam kung bakit. Trailer palang nakanganga na ako. Kaya sabi ng asawa ko, tigil-tigilan na natin ‘tong panonood ng sine kasi nga sayang ang bayad. Kahit anong genre, nagigising na lang ako nagbabarilan kaya sabi ko, ‘Ay gi-atay! Bakit nagbabarilan?’”natatawang kuwento ng aktres.
Hindi lang naman daw sa sinehan siya nakakatulog pati sa panonood ng telebisyon ay napapaidlip din siya, “There’s something about TV, inaantok kasi ako, kapag TV Patrol na, nagsasalita si Noli de Castro, wala na, nganga na ako!” pag-amin ni Beauty.
Biniro tuloy siya na pampatulog niya si Kabayang Noli, “Oo, totoo ‘yan, nagigising na lang ako kapag nagsalita na si Kuya Kim ng weather update gising ako kasi para alam ko kung may bagyo at kung may taping kami kinabukasan. Sasabihan ko asawa ko na gisingin ako kapag si Kuya Kim na.”
Samantala, nabanggit ng aktres na ang mga kinokulekta niya ay lumang mga santo. Bakit nga ba siya nahilig dito? “I don’t know, it’s just so hard to explain gusto ko lang how it looks. I find beauty in sadness, I find beauty in sira-sira na gamit, I like stories on those things rather that buying new stuff, buying new furniture na walang istorya, I just appreciate on those things. Maraming hidden stories.”
Bakit rebulto ng mga santo ang napili niyang kolektahin? “I’m weirdly beautiful. Ha-hahaha! I don’t know, kasi parang not a lot of people love those things and I find love in those things, so parang I appreciate things that already sira and I won’t fix them, huh? I like how it looks, so wala lang it’s just my own thing. Doon ko na-express ang mga feelings ko na hindi ko nalalabas.”
Bata palang ang aktres ay nahuhumaling na siya sa mga ito, “I really like talaga mga religious artifacts, nothing new, old lahat, I don’t like anything new.”
Sa tanong namin kung hindi ba niya napapanaginipan ang mga ito at nakapaligid ba ito sa buong bahay niya? “No, no! Yes, in front of me, it’s beside me, top of my head, naka-display.”
Hirit namin kung hindi ba natatakot ang anak niyang si Olivia sa koleksyon niya, “No, I tell her na friends niya ang mga ‘yun, and I teach her how to appreciate things. Kasi it’s not about being scared of those things, it has a story,” katwiran ng aktres. May mga life-size sa koleksyon niya kabilang na ang 250 years old na santo.
Kasama ni Beauty sa bago niyang horror movie sina Dennis Trillo, Raymond Bagatsing, Gillian Vicencio, Teejay Marquez, Alyssa Muhlach.