Ang mga paeklat ni Biazon

KUMURAP si Manila Mayor Joseph Estrada matapos iban ang mga pampasaherong bus na pumasok sa Maynila. Matapos ang mga batikos na natanggap mula sa mga ordinaryong mga mamamayan, sinabi niya na mga kolorum na mga bus lamang ang bawal.

Kilala si Erap na maka-masa at maka-mahirap kayat malapit siya sa mga tao ngunit sa ginawang pag-baban ng lungsod ng Maynila, ang unang apektado nito ay mga ordinaryong mga estudyante, mga manggagawa na nagtitiis bumiyahe ng malayo at sumakay ng bus para makapasok lamang.

Sa pagkawala ng mga bus sa Maynila, ang tanging napaboran nito ay mga may kotse — silang mga may kaya. Kung gusto talaga ni Erap na mabawasan ang trapik sa Maynila, maaari naman niyang disiplinahin, hindi lamang ang bus kundi lahat ng mga public utility vehicles o PUVs gaya ng mga FX at jeep at maging ang mga kuliglig at sidecar na hari pa rin ng kalsada ng Maynila. Isa pa, dapat kasama rin ang mga pribadong sasakyan.

Bakit hindi gayahin ni Erap ang ipinapatupad na regulasyon sa Makati na kung saan may mga itinakda lamang na tamang babaan at sakayan para sa mga bus na bumibiyahe sa kahabaan ng Ayala at iba pang mga daanan? Disiplina ang kailangan sa Maynila kung gusto ni Erap na mabawasan ang sobrang trapik lalu na sa kahabaan ng Espanya, Taft Avenue, Quiapo, Roxas Boulevard, Rizal avenue at iba pang mga lugar. Kapag nagsakay ang mga bus, FX at mga dyip, talagang balagbag sa kalye, samantalang makikita mo ang mga sidecar at kuliglig na pakalat-kalat kahit sa mga malalaking kalsada bagamat dapat ay sa mga maliliit na kalye lamang ang ruta nila.

Sa ilang araw na implementasyon ng ban ng mga bus, bukod sa dagdag pasahe para sa mga ordinaryong mamamayan, dahil kailangan pa nilang sumakay muli ng dyip mula sa bus para lamang makarating at makauwi, dagdag oras at pagod para sa mga tao. Hindi na nga biro ang layo ng biyahe kapag sumakay ng bus, dagdag pasakit pa ang ipinatupad na ban. Kung sino man ang nagpayo kay Erap, bagamat si Vice Mayor Isko Moreno ang sinasabing traffic czar ng lungsod, na isa ring dapat na maka-masa, dapat ay pinag-aralang mabuti ang ginawang hakbang nang di makabawas pogi points ito sa kanila.

 

Usap-usapan sa mga netizens ang ginawang pagbibitiw ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa pwesto gamit ang Twitter at ang pagtutweet ng text ni PNOY na kung saan hindi tinanggap ang kanyang alok na resignation.

Sabi ng mga netizens, kung gusto talagang magbitiw ni Biazon, ginawa niya itong irrevocable at pormal at hindi idinaan sa Twitter at hindi rin niya dapat ipinost ang text ni PNOY agad- agad na kung saan wala na siyang choice para baguhin pa ang desisyon niya kung sakaling naging irrevocable ang resignation ng opisyal.

Kilalang malapit si PNOY kay Biazon kayat di siya masibak nito kahit pa di kaya nang huli na masawata ang malawakang katiwalian sa BOC. Ang nakakaloka pa kay Biazon, kinontra pa ang datos ni PNOY nang sabihin ng pangulo sa kanyang SONA na aabot sa P200 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa malawakang smuggling. Nauna nang nagbitiw sa pwesto si dating Immigration commissioner Ricardo David, Jr. matapos hindi masawata ang katiwalian sa BID, samantalang sinibak naman sa pwesto si dating National Irrigation Administration (NIA) administrator Antonio Nangel.

Ang BID, NIA at BOC ang tatlong ahensiyang binanggit ni PNOY sa kanyang SONA dahil sa talamak na katiwalian at sa kanila, si Biazon lamang ang nasa pwesto pa rin. Para sa isang opisyal na naging sentro ang kanyang ahensiya sa SONA ni PNOY, delicadeza na lamang kung mananatili ka pa sa pwesto ngunit dahil pinili pa rin ni Biazon na hindi bumaba, sana lang maipakita niya na talagang kaya niyang linisin ang bulok na BOC, kung hindi mahihiya ang salitang LOSER sa kanya.

 

Isa na namang reklamo ang natanggap ng Inquirer Bandera mula sa ating mambabasa Compostela Valley at nais ko itong ilahad nang makarating sa pamunuan ng PCSO. Ayon sa ating reader na tumataya sa lotto, nagtataka siya sa halaga ng dapat tamaan sa lotto partikular sa 6/55 na bola.

Nagtataka siya kung bakit mula Hulyo 3 hanggang Hulyo 13 hindi nagbago ang mapapanalunang prize sa 6/55 draw na nanatili sa P30 milyon. Aniya, Hulyo 15 nang doon lamang ito tumaas. Sinabi pa ng reader na batay sa mismong regulasyon ng PCSO, kada araw, dapat nadaragdagan ito batay na rin sa percentage na inilalaan ng PCSO para sa papremyo sa kada P20 lotto ticket. Aniya, dapat ito ay lumalaki araw-araw hanggang hindi ito napapanalunan. Sinabi pa ng ating reader na imposible namang walang tumaya sa nakaraang bola habang hindi ito napapanalunan. Idinagdag pa ng ating mambabasa na kapag tama ang kanyang hinala na dinadaya ang taumbayan, nasaan daw ang daang matuwid na ipinangako ni Pangulong Aquino.

Ipinaalam ko na sa PCSO ang katanungan ng ating reader para sa kanilang reaksyon dito. Bagamat nangako ang isang opisyal nito na ipapasagot ito sa humahawak ng mapapanalunan sa lotto, wala namang naging tugon mula sa ahensiya bago ilathala ang aking kolum para sa araw na ito.

Napakarami nating mahihirap na kababayan na naglalaan ng kanilang pera para sa lotto sa pagnanais na makaahon sa kahirapan at hindi masisisi ng PCSO na magbigay ng puna sakaling may duda sa palakad ng ahensiya.

Read more...