POSIBLENG magpatupad muli ng daily rotational water service interruption ang Maynilad dahil sa pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat at Ipo dams.
Sa advisory na ipinalabas ng Maynilad kamakalawa ng gabi, inabisuhan nito ang kanilang mga kustomer na mag-ipon ng tubig “sakaling hindi pa rin umulan nang sapat sa watersheds at tuluyang maubos ang ipon na tubig sa aming reservoirs”.
“At dahil nananatili sa 40 cubic meters per second lamang—mula sa normal na 48 cms—ang kasalukuyang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam, kapos ang raw water supply na pumapasok sa Ipon Dam at sa treatment facilities ng Maynilad.”
Ilalabas umano ng Maynilad ang listahan ng mga lugar na mawawalan ng suplay ng tubig sa kanilang social media account.
“Paumanhin sa abala na dulot nito. Maraming salamat sa inyong pang-unawa.”
Kaninang umaga ang lebel ng tubig sa Angat dam ay 187.53 metro mula sa 187.92 metro noong Martes ng umaga. Ang tubig naman sa Ipo dam ay 100.76 metro mula sa 100.90 metro.
Bumaba naman ang tubig ng La Mesa dam sa 77.87 metro mula sa 77.90 metro kung saan kinukuha ng Manila Water ang malaking bulto ng isinusuplay nitong tubig.