TODO-TODO ang pasasalamat ng Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko lead actress na si Kris Bernal sa lahat ng kanyang fans na patuloy na sumusuporta sa kanya mula noon hanggang ngayon.
Ayon sa Kapuso actress, kung wala ang kanyang mga fans siguradong wala rin siyang project sa GMA at hindi niya makukuha ang isa na namang achievement sa kanyang career, ang pagiging YouTube’s Silver Play Button vlogger.
Umabot sa kasi sa mahigit 176,000 subscribers ang kanyang YouTube channel sa loob lang ng dalawang buwan. Sa kanyang Instagram account, ibinandera niya sa kanyang followers ang good news.
“2 months ago, the question was: “Who is SHE?” Now I am proud to say, #SHEisKRISB hit 175k subscribers in 2 months on Youtube!”
“Happy Silver Play Button, SHE-zums! Here’s a vlog to celebrate this milestone in the most unglamorous way: just simply ME in my pambahay daster, boots in muddy putikan — when I was surprised by @choi.perry at 1AM in the morning.
“I want to say THANK YOU for all the support, and happy lang tayo lagi!” caption ni Kris sa kanyang IG photo.
Samantala, sa nalalapit na pagtatapos ng Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko, abangan ang huling bahagi ng paghihiganti ni Naomi (Kris) kay Yvie (Megan Young) at sa asawa nitong si Matteo (Rayver Cruz) gamit ang katawan ni Katya (Kim Domingo).
Kung inaakala n’yong isusuko na ni Naomi si Matteo, nagkakamali kayo dahil nakaisip na siya ng paraan para mas mapadali ang pagkamatay ng mga taong kinamumuhian niya na naging sanhi ng kanyang pagpapakamatay.
Huwag nang bibitiw sa huling pasabog ng Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko mula Lunes hanggang Sabado sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Eat Bulaga.