Kapamilya child star parang may gripo sa mata pag umiyak

MIGUEL VERGARA

Sa darating na Biyernes ay magtatapos na ang sinusubaybayan naming serye sa tanghali, ang Nang Ngumiti Ang Langit, sa direksiyon ni FM Reyes.

Maraming pambentang artista ang serye, pero ang kuwento ay nakapokus sa bidang batang babae, si Sofia Reola na mas kilala sa pangalang Micmic ng mga tumtututok sa istorya nito.

May kaibigan si Micmic sa kuwento, si Joseph, na anak ng kasambahay na si Matet de Leon at ng driver ng pamilya na si Keempee de Leon. Palagi silang magkadikit, kung nasaan si Micmic, siguradong nandu’n din si Joseph.

Isang tanghali, habang kumakain kami sa gallery ni Ogie Diaz, ay nabanggit namin sa kanya na gustung-gusto namin ang child actor sa serye na ang galing-galing umarte at mabilis umiyak.

Sabi ni Ogie, “Alaga ko siya, magaling talaga si Miguel Vergara, two-time best child actor na siya dahil sa pelikulang One More Try.”

Ganu’n kabilis, isang hapon ay guest na namin sa “Cristy Ferminute” si Miguel Vergara, ang napakagaling na child actor. Kasama niyang dumating sa studio ang kanyang inang si Mommy Bing na napakababaw rin pala ng luha.

Ang guwapu-guwapo ni Miguel Vergara, bunso sa apat na magkakapatid, ang kanyang amang si Edward ay mula sa Nueva Ecija. Eleven years ang pagitan ni Miguel at ng sinundan niyang kapatid kaya sa kanya nakatutok ang atensiyon ng buong pamilya bilang baby nila.

Sana’y maalagaan nang husto ng ABS-CBN si Miguel, bibihira kaming makapanood ng tulad niya na sa isang pitik lang ng direktor ay parang may sariling gripo sa mga mata sa pag-iyak nang sinsero, karapat-dapat lang siyang tanghaling best child actor ng kanyang panahon.

Maraming salamat, Ogie Diaz!

Read more...