Pasahero at motorista naaberya sa commute challenge ni Panelo | Bandera

Pasahero at motorista naaberya sa commute challenge ni Panelo

Bella Cariaso |October 13,2019
facebook
share this

Pasahero at motorista naaberya sa commute challenge ni Panelo

Bella Cariaso - October 13, 2019 - 12:15 AM

DAPAT ay wag na muling hamunin si Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na mag-commute challenge dahil ang mga pasahero at motorista pa rin ang naaberya sa nangyari noong Biyernes.
Marami ang nagalit sa commute challenge ni Panelo dahil sa nangyaring abala at trapik dulot nito.
Isinisi naman ni Panelo sa mga media ang nangyaring aberya sa mga pasahero at motorista at iginiit na hindi naman niya sinabi ang detalye ng kanyang commute challenge.
Alam naman ni Panelo na susundan at susundan siya ng media kahit na hindi banggitin ang kanyang lokasyon.
Sa bahagi ng mga media na nagsilbing paparazzi, igigiit ng mga ito na ginawa lamang nila ang kanilang trabaho.
Ang talo ay ang mga naabalang mga pasahero dahil double whammy ang nangyari sa kanila noong Biyernes.
Paano ba naman, ang ruta na dinaanan ni Panelo ay ang dinadaanan ng mga pasaherong apektado ng nangyaring pagkasunog ng Light Rail Transit-2 (LRT-2) na alam naman nating nasa partial operation pa lamang.
Ang paghinto ng operasyon ng LRT-2 ang naging mitsa ng pahayag ng militanteng grupo na Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na meron nang mass transport crisis sa bansa.
Kinontra ni Panelo na may mass transport crisis at dahil sa nakuhang negatibong reaksyon, bagamat unang tinawag na “silly” ang hamon sa kanya na commute challenge, bandang huli’y tinanggap niya ito.
Ang resulta, ang mga pasahero na nagdurusa sa mass transport crisis ang siyang biktima pa rin ng commute challenge ni Panelo.
Dahil sa pagkadismaya, may pasaherong nagsabi sa driver na pababain na lamang si Panelo dahil sa nadedelay ang biyahe sa mga nais bumuntot sa kalihim.
Bandang huli, nagawa ni Panelo ang commute challenge pero ang talo ang mga naaberya sa kanilang pasok.
Wala namang aako para sa kanila na na-late sila sa pasok sa paaralan at trabaho dahil sa pagsunod sa commute challenge ni Panelo.
Imbes na makatulong sa dinaranas na kalbaryo ng mga pasahero dahil sa sinasabing mass transport crisis, nakadagdag ang hamon na commute challenge sa nangyayaring pagdurusa ng mga commuters.
Sa kanyang pahayag, nanindigan pa rin si Panelo na walang mass transport crisis.
Sa nangyari noong Biyernes, sino nga ba ang talo at wagi sa commute challenge? Ang klaro lamang ang mga apektado pasahero at motorista ang talo.
Sa susunod, bakit hindi na lang maghamunan ng debate ang lider ng Bayan at si Panelo na tiyak ding dudumugin.
Kung wala nang maibigay na solusyon sa mass transport crisis, maging sensibo na lamang sa nararanasan ng mga pasahero at motorista at wag nang makadagdag pa sa nararanasan nila.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending