SUMAKAY si Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ng tatlong pampasaherong jeepney at nakiangkas sa isang motorsiklo para makarating sa Malacanang bilang tugon sa commute challenge ng isang militanteng grupo.
Sinabi ni Panelo na umalis siya ng bahay ng alas-5:15 ng umaga at nagpalipat-lipat sa tatlong jeepney at inalok ng angkas ng isang nagmagandang loob na nagmomotorsiklo para makarating ng Malacanang ng 8:46 ng umaga o makalipas ang tatlong oras at 31 minutong biyahe.
“Noong una kong sakay ng jeep mga 5 minutes; pangalawa kong sakay, mga 10 minutes; iyong pangatlo mga 20 to 25 minutes,” sabi ni Panelo nang tanungin kung gaano katagal ang ginugol niyang oras para makasakay ng tatlong jeepney.
Inamin ni Panelo na mula sa dating alas-7 ng umaga, kinailangan niyang gumising ng alas-5 ng umaga para mag-commute.
“Everyday dapat 5 o’clock gising ka na.Umalis ako kanina, naglakad ako bago pumunta ako doon sa sasakyan ng jeep mga… 5:15 ako umalis. It took me 12 to 15 minutes to walk,” kwento pa ni Panelo.
Idinagdag ni Panelo na puro trapik ang kanyang naranasan sa pagsakay ng jeepney.
“Palagi namang may trapik. Ang ginagawa ko talagang pinupuntahan ko iyong ruta ng mga nahihirapan na mga kababayan natin. Pareho din ng iba, pumipila talaga, nakikipaghabulan ka, dahil puno na, at this time talagang puno na ang mga sasakyan eh,” dagdag ni Panelo.
Kasabay nito, muling nagpaliwanag si Panelo sa kanyang naunang pahayag na wala namang mass transport crisis sa bansa.
“Ang problema kasi hindi ninyo inintindi iyong sinasabi ko. Ang sinasabi ko, walang crisis kasi walang paralysis; pero may krisis tayo pagdating sa paghihirap ng mga kababayan natin. Hindi ninyo kasi iniintindi iyong sinasabi ko, pareho rin ng hindi ninyo pag-intindi kay Presidente pag nagsalita eh,” ayon pa kay Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na tinanggap niya ang hamon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para ipakitang alam din ng mga nanunungkulan ang paghihirap ng mga mamamayan.
CF09C9AF-8CF0-4E10-B1E7-38B93108BAB3
“Alam mo kaya ko tinanggap kasi parang pinalalabas nila na kaming mga nasa gobyerno na may malaking puwesto ay hindi kayang gawin ang ordinaryong ginagawa ng mga tao; lahat iyan dinaanan namin at kaya naming balikan ulit,” giit pa ni Panelo.