FDCP may bagong paandar para sa PH cinema

LIZA DIÑO

INILUNSAD ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang dalawa pang film incentives sa ginanap na annual Philippine Cinema Night sa Busan International Film Festival (BIFF).

Ang nasabing incentive program ay isinapubliko rin sa welcome reception sa Asian Film Market noong Okt. 5 para hikayatin ang international film productions na mag-shoot at magtrabaho sa Pilipinas.

Sa ilalim ng FDCP, ginawa ang location incentive schemes para magbigay ng isang holistic experience habang nagsu-shoot sa bansa, pati na rin ng financial support sa international productions at co-productions na may Filipino producers na gagastos ng hindi bababa sa P8 million sa bansa para sa production at post-production ng pelikula.

Ang mga programang ito ang isa sa mga hakbang ng FDCP para tulungang maging global ang audiovisual industry. Kaakibat din ng mga programa ang “Let’s Create Together” campaign ng FDCP kung saan ibinibida ang Pilipinas bilang isang bansa na may industriyang bukas sa pagpo-produce ng makabuluhan, nakakalibang at magandang content.

Ang full feature films sa kahit anong genre at format—live action, documentary, animation, short films, television series, at web content series o content para sa alternative distribution platforms—na nakikipagtulungan sa isang duly-registered Philippine line producer ay maaaring mag-apply para sa Film Location Incentive Program (FLIP).

Para naman sa International Co-Production Fund (ICOF), puwedeng mag-apply dito ang Filipino feature film projects sa kahit anong format na may international co-production.

Qualified din sa pag-apply para sa incentives ang projects sa kahit anong stage—pre-production, production, or post-production—na may minimum production expenditure na P8 milyon ($155,000 USD) sa Pilipinas.

Kapag approved na, isang cash rebate mula 10% hanggang 40% ng qualifying production costs na nagkakahalagang hanggang P10 milyon ($193,000 USD) ang puwedeng i-avail sa pamamagitan ng FLIP o ICOF.

Para sa iba pang detalye tungkol sa FilmPhilippines Incentives, tingnan ang www.filmphilippines.com.

Read more...