INIREKOMENDA ng Presidential Anti-Corruption Commission sa Ombudsman na kasuhan ang mga opisyal ng National Housing Authority na sangkot sa iregularidad sa pagpapatayo ng mga permanenteng bahay para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
Ayon kay PACC chairman Dante Jimenez may nakita itong prima facie evidence sa isinagawang imbestigasyon laban sa 12 opisyal ng NHA na nagbigay umano ng pabor sa JC Tayag Builders Inc. na nakakuha ng P741.53 milyong kontrata.
Pinalabas umano ng JC Tayag na may kakayanan ito na maitayo ang 2,559 housing units sa Eastern Visayas kahit na hindi.
Binigyan ng Notice to Proceed ang JC Tayag noong 2015 pero noong Nobyembre 2017 ay 36 unit pa lamang ang naitatayo nito.
“JCTBI had failed to perform its obligation in the contract, despite receiving at least 15 percent or roughly P111.23 million for the corresponding mobilization activities,” ani Jimenez.
Pinakakasuhan ng PACC sina dating NHA general manager Sinforoso Pagunsan, assistant GM at Bids and Awards Committee chairman Froilan Kampitan, BAC vice chair Ma. Alma Valenciano, BAC member at NHA Project Implementing Team-C head Loran Seraspe, BAC member Eleanor Balatbat, BAC member at NPIT-A head Susana Nonato, BAC member Romuel Alimboyao, supervising engineer at Technical Working Group member Alvin Rey Calvario, TWG member Grave Guevarra, BAC 2 chairperson Victor Balba, BAC vice chair Felicisimo Lazarte Jr., at BAC member Ma. Magdalena Siacon.