Aberya pag nasa Russia si Du30

KAPAG minamalas nga naman. Kung kailan magpapasko ay tsaka pa nasira ang Light Rail Transit Line 2.
Inaasahan na ang lalo pang pagbigat ng daloy ng trapiko dahil magpapasko.
Syempre maraming pupunta sa mall para mamili (kung may pambili) at mga party (kung saan may libreng food).
At hindi basta-basta ang naging sira ng rectifier substation sa pagitan ng Katipunan at Anonas stations sa Quezon City.
Posibleng abutin ng hanggang siyam na buwan bago maibalik nang tuluyan ang buong operasyon ng LRT2. Kahapon ay nagsimula na ang partial operation ng LRT2. Ang biyahe ay limitado sa Cubao station hanggang sa Recto.
Sarado ang istasyon mula sa Cubao hanggang sa Santolan, Pasig.
Oktubre pa lang at hanggang July 2020 pa tatagal ang pagsasaayos. Hindi lang kapaskuhan ang apektado sa problema kundi maging ang pasukan.
Sana ay mas maagang matapos.
At sana ay maaga ring matapos ang LRT2 Extension o ‘yung dugtong na biyahe mula Santolan hanggang sa Masinag sa Antipolo.
Ang LRT2 extension ay inaasahang matatapos sa fourth quarter ng 2020. Bago ang susunod na Pasko ay inaasahan na hanggang Masinag na ang biyahe. Dahil dito maaaring mabawasan na rin ang pagsisikip ng daloy ng trapiko kapag nagbukas na ang bagong rutang ito.
Napansin n’yo ba?
May malaking aberya kapag si Pangulong Duterte ay nasa Russia.
Nung unang punta niya ay umuwi siya kaagad dahil sumiklab ang pagsalakay sa Marawi City.
Ngayon naman nasira ang LRT2 at parang kulang pa, nagka-dengue pa ang bunsong anak ng Pangulo na si Kitty.
Sino kayang kasama ng Pangulo ang may balat sa pwet?

Maraming project na nakapila sa ilalim ng Duterte administration at sana ay matapos ang lahat sa oras.
Kung magagawa ang mga ito at mararamdaman ng publiko ang magandang epekto aka maginhawang pagbiyahe, malamang ay manalo ang mamanukin ni Duterte sa 2022.

Read more...