IBINASURA ng Sandiganbayan Second Division ang P1.052 bilyong ill-gotten wealth case laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, kanyang misis na si dating First Lady Imelda Marcos at pamilya Tantoco.
Nabigo umano ang prosekusyon na patunayan na galing sa iligal ang ipinambili sa inaakusahang dummy ng mga Marcos na si Bienvenido Tantoco Sr., sa kanyang mga ari-arian.
Apat na saksi at 11 dokumento ang ipreinisinta ng prosekusyon sa kaso na tumagal ng 31 taon.
Noong Oktubre 26, 2006 ay nagpalabas ng utos ng Sandiganbayan na tapusin na ang presentasyon ng ebidensya dahil sa hindi pagpunta sa pagdinig ng Office of the Solicitor General.
May mga dokumento ang prosekusyon subalit hindi nila ito naiprisinta sa kabila ng direktiba ng korte. May mga dokumento rin na hindi tinanggap dahil photocopy lamang ang mga ito.
“A careful examination of the testimonies of the plaintiff’s witnesses shows that the plaintiff even failed to establish the relevance of the admitted documents to prove the allegations in the complaint,” saad ng desisyon ng korte.
Wala rin umanong naipakitang ebidensya ang prosekusyon upang mapatunayan na ginamit na dummy si Tantoco upang maitago ang mga nakaw na yaman.
“There is likewise insufficient evidence to prove that the defendants acted as dummies, nominees, and/or agents of defendants Marcoses in acquiring works of art, clothes, jewelry, or real estate worth billions of pesos,” saad pa ng desisyon.
Ito na ang ikalawang kaso ngayong buwan na talo ang gobyerno sa kaso ng mga Marcos.
Nauna nang ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang Civil Case no. 0034 laban sa mag-asawang Marcos, negosyanteng si Roberto Benedicto, at mga dating opisyal ng Development Bank of the Philippines.