DINAMPOT ng mga awtoridad ang babaeng Indonesian na nakuhaan ng P54.4 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3), Pasay City, Lunes ng madaling-araw.
Nadakip si Agnes Alexandra, residente ng Jakarta, Indonesia, sabi ni Joel Plaza, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region.
Dinampot ng mga miyambro ng PDEA-NCR na bahagi ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group si Alexandra sa arrival area ng NAIA-3, matapos makatagpo ng 8 kilo ng hinihinalang shabu sa kanyang bagahe, ani Plaza.
Una dito, dumating si Alexandra sa bansa sakay ng Cebu Pacific flight-5J 258 mula Siam Reap, Cambodia, alas-1:34.
Nagsasagawa ng random passenger profiling at K-9 sweeping ang mga operatiba nang mapansin ang kahina-hinalang laman ng kanyang bagahe, ani Plaza.
Hinahandaan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law ang banyaga.