NATIONAL Mental Health Week ang ikalawang linggo ng Oktubre at ito ay ipinagdiriwang base sa Proclamation No. 452 na pinirmahan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1994.
Ito ay alinsunod na rin sa pagdiriwang ng World Mental Health Day tuwing Oktubre 10 at layon nitong mapalawig ang kaalaman sa malusog na kaisipan.
Narito ang ilang mental diseases na hindi dapat balewalain, maaaring may kapamilya o kaibigan o kasama sa trabaho na nakikipaglaban dito.
1. Anxiety disorder
Ang mga tao na may anxiety disorder ay sumasagot sa ilang bagay o sitwasyon na may takot at sindak pati na rin pagkabalisa o pagkagulat. Kabilang sa mga anxiety disorder ay generalized anxiety disorder, panic disorder, social anxiety disorder at phobia.
2. Mood disorder
Tinatawag din itong affective disorders at kinakikitaan ito ng walang tigil o sobrang kalungkutan o kasiyahan. Ang mga karaniwang mood disorders ay ang depresyon, bipolar disorder at cyclothymic disorder.
3. Psychotic disorder
Kinakikitaan ng magulong kamalayan at pag-iisip ang mga taong merong disorder na gaya nito. Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng psychotic disorders ay ang halusinasyon at pagkahibang. Ang schizophrenia ay isang halimbawa ng psychotic disorder.
4. Eating disorder
Kinakikitaan ng sobrang emosyon, saloobin at pag-uugali pagdating sa pagkain at timbang. Ang anorexia nervosa, bulimia nervosa at binge eating disorder ay ang mga karaniwang eating disorders.
5. Impulse control and addiction disorder
Hindi mapigilan ng mga tao na may impulse control disorder ang udyok na gumawa ng mga bagay na makakasakit sa kanila o sa ibang tao. Ang pyromania, kleptomania at compulsive gambling ay mga halimbawa ng impulse control disorders. Ang alkohol at droga ay ang mga karaniwang bagay naman na pinagmumulan ng adiksyon.
6. Personality disorder
Ang mga tao na may personality disorders ay may sobra at matigas na personality trait na nagdudulot ng dusa sa may sakit nito at problema sa trabaho, eskuwelahan o pakikipagrelasyon sa ibang tao. Ang mga ha-limbawa nito ay antisocial personality disorder, obsessive-compulsive personality disorder at paranoid personality disorder.
7. Obsessive-compulsive disorder (OCD)
Ang mga tao na may OCD ay inaatake ng madalas na pag-iisip o mga takot na nagiging sanhi para gumawa sila ng ilang ritwal o routine. Ang halimbawa nito ay ang tao na madalas na naghuhugas ng kamay dahil sa takot sa germs.
8. Post-traumatic stress disorder (PTSD)
Kondisyon na nagsisimula matapos ang isang truamatic o nakakatakot na pangyayari tulad ng biglaang pagkamatay ng isang mahal sa buhay, sexual o physical assault, at kalamidad. Ang mga tao na may PTSD ay kadalasang may mga hindi makalimutang mga alaala ng pangyayari na nagiging sanhi para maging manhid sila sa kanilang mga emosyon.