Dagdag-presyo ng LPG hindi makatuwiran-Imee

KINONDENA ngayon ni Senator Imee Marcos ang mga kumpanya na nagbebenta ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) matapos na itaas nito ang kanilang presyo at magbunga ng napakataas na halaga ng LPG sa mga pamilihan o merkado.

Ayon kay Marcos, halos aabot sa P55 ang dagdag-presyo ng bawat 11 kilong tangke ng LPG matapos na ideklara ang P5 taas presyo sa bawat kilo nito. Nitong Oktubre 1, nagsimula nang ‘sumirit’ sa mga pamilihan ang presyo ng LPG.

“Sobra naman ang ginawang price increase ng mga kompanyan ng LPG. Napakataas! Makakayanan pa ba ‘yan ng isang simpleng pamilya? Ano pa ang matitira sa mga mamimili kung ganyan naman kamahal ang LPG!” galit na pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na dapat imbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang malalaking kompanya ng LPG at alamin kung ano ang naging batayan ng mga ito sa ginawang napakalaking increase sa halaga ng LPG.

“Huwag nilang idahilan ang pagbomba sa mga oil facility sa Saudi Arabia dahil sa malinaw na humupa na ang tensyon sa Middle East. Maawa naman sila sa mga maliliit na mamimili.  Tumaas na nga ang presyo ng mga bilihin, ngayon LPG naman, ano ba yan!” pahayag ni Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na delikado ring gamitin ang ilang tangke ng LPG na ipinagbibili sa merkado dahil sa bulok at mahinang klase ang mga ito na kalimitan ay pinipinturahan na lamang para magmukhang bago.

“Kung minsan kulang din ang timbang ng LPG na ipinagbibili… dapat kasi 11 kilos, pero pag tinimbang mo… aabot lang sa 9 kilos o 10 kilos,” pagbubunyag ni Marcos.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng Solane ay umaabot na sa P700; ang presyo ng Gasul ay P682; presyo ng Regasco, P669; M-Gas, P690 at Total P690. Inaasahang sa mga susunod na araw, tataas din ang presyo ng ilang brand ng LPG sa mga pamilihan.

Read more...