SA ginanap na Showtime “Sampu Sample” presscon para sa 10th anniversary ng programa ay natanong ang isa sa host na si Councilor Jhong Hilario kung plano ba niyang kumandidato sa mas mataas na posisyon.
Inihalintulad kasi siya sa isang host ng katapat nilang programang Eat Bulaga na si Sen. Tito Sotto na nagsimula sa pagiging vice mayor ng Quezon City (1988-1992) at ngayon ay nga pang-29th Senate President na ng Pilipinas.
Number one councilor si Jhong sa Makati City District 1 at sinusundan niya ang yapak ng tatay niyang si Virgilio Hilario na nakapagsilbi sa bayan ng nine years. Kaya hindi imposible na pagkalipas ng 10 taon ay nasa Senado na rin ang aktor/dancer/host.
“Ang sa akin lang po sanay po ako na hinihipan lang ako kung saan ako papunta, ito pong pagiging Streetboys ko, e, talagang nahipan lang ako dahil hindi naman ako marunong magsayaw dati, ang ginagawa ko lang mag-tumbling pero natutunan ko ‘yung pagsasayaw, naging choreographer pa ako.
“Pinagbuti ko lang po pati ‘yung pagiging artista, si Spencer Reyes naman po talaga ang kinukuha ni direk Marilou Diaz-Abaya pero hindi pumuwede kasi may braces so, ako po ‘yung inilagay (sa pelikula). Na-discover po ako ni direk Marilou at isinama na niya ako sa movies (niya) tulad ng Bagong Buwan, Muro-Ami, Jose Rizal.
“Yung pagiging host ko po ng Showtime, hurado lang po ako dati hindi ko alam na may regular hosting ako. So, ako po kapag binigyan ng chance, pinag-iigihan ko lang at hindi ko pinipilit ang sarili ko dito,” simulang pahayag ni Jhong.
“At ‘yung pagiging konsehal naman po ng Makati ay itinuloy ko lang ‘yung legacy ng tatay ko. So, ‘yung sinasabi po ninyong magiging senador, hindi ko po naiisip ‘yun. Kung saan lang po ako ilagay ni God, doon lang po ako,” lahad pa ng aktor-politiko.
“Maraming taong gustong makatuntong sa kinatatayuan ko ngayon ay pinagbubuti ko lang po,” aniya pa.
As of now ay ang Showtime muna ang pinagkakaabalahan ni Jhong bukod sa pagiging konsehal ng 1st District ng Makati.