QC Rep. Precious Hipolito Castelo: From That’s Entertainment to Congress

SI Precious Hipolito Castelo kasama ang mister na si QC Councilor Winnie Castelo at kanilang mga anak.

MARAMING hindi nakakaalam na bago pa pasukin ang pulitika—bago maging konsehal at ngayon ay kongresista ng ikalawang distrito ng Quezon City —naging Little Miss Philippines finalist noon ang batang si Precious Hipolito.

Sa panayam sa Bandera, hindi rin naging madali ang pagsali niya sa contest na ito. Una niyang sinubukan magsayaw bilang kanyang talent pero di siya pinalad. Kaya nag-piano siya kaya umano siya nakalusot.

Ang Little Miss Philippines ay isang segment ng longest running television variety sa bansa na Eat Bulaga.

Nakaabot siya ng grand finals pero hindi siya tinanghal na Little Miss Philippines. Ka-batch niya sa nasabing kompetisyon ang singer na si Donna Cruz.

Noong bata, “very quiet ako, I always do what I was told, tapos masunurin. I try to avoid mga kaguluhan,” ani Castelo.

Hindi man nanalo, dito nagsimula ang kanyang career bilang isang child actress at naitanghal pa bilang best child actress sa Famas sa pelikulang ‘Ang daigdig ay isang butil na luha’.

That’s Entertainment
Hindi doon nagtapos ang journey ni Precious na ngayon ay si Precious Hipolito-Castelo sa mundo ng showbiz. Nakapasok din siya sa noon ay most followed and most viewed television show para sa mga bagets.

Napabilang siya sa Wednesday group at sa tuwing production number nila, lagi siyang napapasali sa newscasting.

“Yung mga production number namin, yung “That’s news” doon ako nahasa, nag-umpisa na nagkaroon ng interest sa journalism, sa pagsusulat at tsaka sa broadcast journalism.”

Sa That’s nakasama ni Castelo sina Isko Moreno na ngayon ay Mayor ng Maynila, Karla Estrada at Ara Mina.

Reporter
Naging reporter at newscaster din si Precious noon ng IBC 13. Sa panahong ito rin siya na in-love at nagpakasal sa pulitikong si Winston Castelo.

“Naalala ko nyan, kasi yan na yung nag-asawa na ako iba’t ibang yugto ng buhay talaga. Kasi IBC 13 ako dati…. masaya naman, stressful kasi yan yung bagong kakakasal namin ni Winnie tapos nagka-anak kaming dalawa pero I could say na very memorable din kasi nasubaybayan ko yung iba’t ibang pulitika ng Pilipinas as well as Quezon City.”

Congress
Hindi galing sa political family ang kongresista bagamat mulat ito sa mga problema sa lungsod kung kayat tumutulong ang mga ito sa iba’t ibang programa para sa mahihirap gaya ng pag-put up ng isang foundation na Our Helping Hands of Quezon City.

Ito anya ang lalong nagmulat sa kanya tungkol sa iba’t ibang isyu ng lipunan at kalaunan ang nag-udyok sa kanya para pumasok sa pulitika.

Nagsimula bilang kagawad ng barangay sa Novaliches si Precious, kung saan sakop ng distrito ng kanyang mister na si Winston na noon ay konsehal pa lamang.

Noong 2010 siya tumakbo at nanalong konsehal ng Quezon City. Nagtagal siya ng tatlong termino (siyam na taon).

Noong 2019 ay nanalo siyang kongresista ng ikalawang distrito na siya ring kinakatawan niya noong siya ay konsehal.

Nang tanungin kung ano ang kanyang plano, sinabi ni Castelo na wala pa.

Read more...